News Update

Protesta sa 20 sentro sa Kamaynilaan: P5 COLA di sapat; rolbak sa presyo ng langis kulang

in

Ilang-Ilang Quijano

ROLBAK ng presyo ng langis, P125 dagdag-na-sahod, at pagtanggal ng VAT (Value-Added Tax) sa mga produktong petrolyo at kuryente ang ipinanawagan ng mga manggagawa, maralitang lungsod, at iba pang sektor na nagsagawa ng mga kilos-protesta sa mahigit 20 sentro sa Kamaynilaan noong Agosto 28.

"Hindi na dapat magmatigas pa ang gobyernong Arroyo. Nakaamba ang isang pambansang welga sa susunod na buwan kapag hindi sinalubong ang aming mga hiling," ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU (Kilusang Mayo Uno).

Minaliit din ng grupo ang pagpapatupad ng National Wage Board sa P5 COLA (Cost of Living Allowance) simula noong araw na iyon.

"Ibinigay ang P5 COLA tatlong buwan na ang nakakaraan, kasama ng nakakainsulto ring P15 dagdag-na-sahod. Anong ipinagmamalaki ng gobyerno?" sabi ni Labog.

Idinagdag pa ng lider-obrero na patuloy na niloloko ang mga mamamayan ng malalaking kompanya ng langis na kulang ang ibinibigay na rolbak sa presyo ng langis.

Noong Mayo, $114 kada bariles ang average na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Ang average na lokal na presyo ng diesel noon ay P44 kada litro.

Matapos ang pagtaas at pagbaba ng presyo, nasa $144 kada bariles muli ang average na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ngayong Agosto. Pero umakyat na sa P55 kada litro ang average na lokal na presyo ng diesel.

"Dapat kaagad na mayroong P11 rolbak (kada litro) sa minimum. Hindi pa kasama dito ang overpricing na P12 (kada litro) na isiniwalat ng Ibon Foundation," dagdag ni Labog.

Ayon sa KMU, may bentahe sa gobyernong Arroyo ang mataas na presyo ng langis na binubuwisan sa pamamamagitan ng VAT, kaya hindi nito magawang ipababa ang presyo ng mga produktong petrolyo.