News Update
Programang ‘Katas ng VAT’ pinaiimbestigahan sa Kongreso
Jean Campos
NAGPAPATAWAG ng imbestigasyon ang Anakpawis Party-list hinggil sa Programang “Katas ng VAT” ng gobyerno.
“Ito na ang panahon ng Kongreso na gamitin ang kanilang kapangyarihan at karapatang alamin at usisain kung saan nga ba napupunta ang nakukuhang koleksiyon sa VAT (Value-Added Tax), mula sa ginastusang proyekto hanggang sa huling sentimo nito,” ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano.
Ayon sa pag-aaral ng Bagong Alyansang Makabayan, mas mataas ang koleksiyon ng VAT mula sa mga lifeline user ng Meralco (Manila Electric Company) kumpara sa P500 na isang beses na subsidyo sa mga konsiyumer na ito.
Sa komputasyon ng grupo, mas malaki ng P1.8-Bilyon ang nakolektang VAT ng gobyerno kaysa sa ibinigay na subsidyo. May 1.7 milyong lifeline user o mga kumokonsumo ng mababa sa 100 kilowatt hours ang Meralco. P852-Milyon ang inilaan ng gobyerno sa pagsubsidyo sa mga lifeline user.
Samantala, sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na labag sa Konstitusyon ang pamimigay ng subsidyo nang walang pagsang-ayon ng Kongreso.
“Hindi naman masama ang pamimigay ng subsidyo. Pero dapat may batas na nagsasabi nito. Kung walang enabling law, mali ito,” aniya.
RSS