News Update

Pagtalaga kay Pichay sa LWUA binatikos

in

Noel Sales Barcelona

NAGPAHAYAG ng pangamba ng mga miyembro ng Water (Water Employees Response), alyansa ng mga empleyado ng water districts sa bansa, dahil sa pagtalaga kay dating Surigao del Norte Rep. Prospero Pichay Jr., bilang hepe ng LWUA o Local Water Utilities Administration.

 

Sinabi ni Rodrigo Aranjuez, pangulo ng Water at ng unyon ng Davao City Water District, inilagay sa puwesto ang natalong pambato ng administrayon sa pagka-senador dahil sa mga nagawa nito noong eleksiyong 2004 na pabor kay Pangulong Arroyo.

 

Aniya, nasa masasamang kamay ang mga water district sa bansa.

 

Nakatitiyak silang pabibilisin ni Pichay ang pagbebenta sa mga water district, gaya umano ng ginawa ni Kal. Angelo Reyes Jr. sa mga kumpanya ng kuryenteng pagmamay-ari ng gobyerno. Nagresulta ang hakbang ni Reyes sa pagkasibak sa trabaho ng libu-libong manggagawa sa National Power Corporation.

 

Nangangamba rin ang mga taga-Water na mapunta sa korupsiyon ang pagbebentahan ng mga water district.

 

Bukod pa rito, sisirit umano ang presyo at sasama ang serbisyo sa patubig sa mga probinsiya, gaya ng nangyari noong ipagbili ng gobyerno ang mga sapi nito sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa mga Ayala at mga Lopez, kapwa dambuhalang negosyante.

 

"Hindi namin mapapayagang basta-basta na lamang magtagumpay ang Malakanyang sa maiitim na balak nito gamit si Pichay," sabi ni Aranjuez.

 

Pinangungunahan ang alyansang Water ng Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage.