News Update
Pagpaypay sa apoy ng digmaan
Kenneth Roland A. Guda
Gerilya ng MILF na nananalangin: Umaasa
sa kapayapaan, naghahanda sa digmaan
(Keith Bacongco/AKP Images)
NAGULAT si Adel (di tunay na pangalan) sa lumagapak na bote sa labas ng kanyang bahay sa Midsayap, North Cotabato noong Agosto 4. Hindi simpleng bote ang binato; isa itong molotov, o home-made na bomba, na sa kabutihang palad ay hindi sumabog. Inireklamo ito ni Adel sa lokal na pulisya. Lumalabas na hindi lang nag-iisang insidente ito. Dumarami ang insidente ng atake sa kabahayan ng mga Moro.
Masipag na organisador si Adel ng Suara Bangsamoro, isang organisasyong nagtataguyod ng interes ng mga Moro sa Mindanaw.
Ayon kay Amirah Ali Lidasan, pambansang pangulo ng Suara, hindi na natukoy ni Adel o ng pulisya kung sino ang umaatake sa kabahayan ng mga Moro sa Midsayap at iba pang bahagi ng North Cotabato. Pero ang tiyak niya, resulta ito ng panawagan ng magkapatid na pulitiko sa lugar – sina Rep. Ben Piñol at Vice Governor Emmanuel Piñol – sa publiko, lalung-laluna sa mga Kristiyano at Lumad, na maghandang depensahan ang sariling kanilang mga lupain.
Noong Agosto 5, o isang araw matapos ang atake sa bahay ni Adel, sana lalagdaan ng mga kinatawan ng GRP (Gobyerno ng Republika ng Pilipinas) at MILF (Moro Islamic Liberation Front) ang MOA (Memorandum of Agreement) Ancestral Domain sa Malaysia. Layon ng MOA na bigyang higit na awtonomiya ang mga Moro sa lupain nito sa Mindanaw tungo sa kapayapaan sa pagitan ng MILF at GRP. Isang BJE (Bangsamoro Juridical Entity) ang itatayo bilang namumunong organo sa implementasyon ng MOA.
Pero sa araw mismo na iyon, naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order. Ipinapaliwanag nito ang GRP at MILF kung bakit may mga probisyon ang MOA na maaaring labag sa Saligang Batas ng GRP.
Batid ng Suara ang tunguhin ng MOA – ang paggawad sa Kamorohan ng karapatang magpasya sa sarili bilang isang lahi. Sinusuportahan ng naturang grupo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at MILF. Pero sa North Cotabato, nangunguna ang magkapatid na Piñol sa mga humaharang sa kasunduang anila’y magtatapyas sa ilang bahagi ng teritoryo ng kanilang probinsiya.
Paggamit sa vigilante
“Taong 2005 pa, nakakakuha na kami ng balita na nagbubuo sila (mga Piñol) ng mga vigilante group laban sa MILF at sa NPA (New Peoples’s Army) sa North Cotabato,” paliwanag ni Lidasan. Karamihan sa mga grupong ito ay inarmasan at sinanay ng Philippine Army; naging bahagi ng lokal na mga yunit ng Cafgu (Citizens Armed Forces Geographical Unit) ang marami.
Bago lagdaan ang MOA noong Agosto 5, tumindi ang atake ng mga vigilante. At matapos maglabas ng TRO ang Korte Suprema at nagbanta si Presidental Adviser on the Peace Process (at dating heneral) Hermogenes Esperon Jr. na di poprotektahan ng militar ang North Cotabato, muling nanawagan sa publiko si Vice Gov. Piñol na mag-armas at depensahan ang sarili.
“Nakita ko, nananatili lang sa mga haywey ang mga sundalo (ng Army),” ayon kay Lidasan. Habang binobomba ng mga eroplano at helikopter ng Army ang mga sinasabing teritoryo ng MILF, umiigting ang sagupaan sa pagitan ng mga vigilante at mga tropa ng MILF. Maraming sibilyan ang sapilitang lumilikas dahil sa mga sagupaan at pagbomba.
Kakatwang inirereklamo ang mga Piñol ang pagtapyas sa North Cotabato para maisama sa mga masasaklawan ng MOA. Ayon kay Lidasan, ang mga Piñol mismo ang inirereklamo ng mga Lumad at magsasakang Moro sa pagpapasimuno ng proyektong pangnegosyo sa PALMA Complex at ARAKAN Valley Complex, mga proyektong pagtatayo ng palm, rubber and fruit plantations ng dayuhang mga negosyante.
“Maaaring maingay ang mga ito laban sa usapang pangkapayapaan at sa MOA para pagtakpan ang matinding pagtutol ng mga Moro at Lumad sa mga proyekto nila,” sabi ni Lidasan.
Tinapyasang kasunduan
Tinitingnan ng maraming grupong Moro at ilang tagapagtaguyod ng kapayapaan sa Mindanaw na positibong hakbang ang MOA. Bagamat may problema sa konsultasyon sa mga komunidad na maaaring maapektuhan, tamang direksiyon umano ang kasunduan tungo sa pinakahangad na pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa hustisya sosyal at kalayaang magpasya sa sarili ng mga Moro.
Hakbang ito para makilala na lehitimo ang hiling ng taumbayang Moro sa kanilang ancestral domain, sabi ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, dating negosyador pangkapayapaan ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines).
Isa sana si Ocampo sa mga sasaksi sana sa paglalagda ng dalawang panig sa Malaysia. Sa kanyang obserbasyon, bagamat magandang tunguhin ang itinutulak ng MILF sa MOA, may ilang susing kahinaan ang kasunduan. Kabilang na rito ang kawalan ng konsultasyon sa mga komunidad na maaapektuhan – isang kahinaang ginamit ng mga Piñol para paypayan ang diskriminasyon ng mga Kristiyano laban sa mga Muslim sa North Cotabato.
Habang iginigiit ng MILF na ibukas sa publiko ang MOA bago ang lagdaan, itinutulak naman ng GRP na isikreto ito, hanggang isang dating heneral ang naglabas sa midya ng nilalaman ng kasunduan para “subukan ang tubig” (“test the waters”). “Paglilihim at kataksilan ang katangian ng pagharap ng gobyerno sa isyu at bumuwelta ito sa rehimen,” sabi ni Ocampo.
Isa pang susing kahinaan ng dokumento, ayon sa Cenpeg (Center for People’s Empowerment in Governance), ay ang ilang pagbabago sa kasunduan na itinulak ng GRP. Kabilang dito ang pag-except sa pagsaklaw ng MOA sa mga lugar na mayroong “proyekto ang gobyerno o iba pang boluntaryong kasunduan sa pagitan ng gobyerno at mga pribadong indibidwal, pangkorporasyong entidad o institusyon.” Kasama na dito, siyempre, ang mga complex ng plantasyon sa Arakan Vallex at PALMA Complex na ibinukas ng mga Piñol sa dayuhang mga korporasyon.
“Pangalawa, kahit na nasasaklawan ng BJE ang potensiyal na mga rekurso ng enerhiya tulad ng langis at natural gas (sa lugar), mananatili ito sa operasyon ng sentral na gobyerno (GRP) ‘sa panahon ng national emergency o ‘kung kinakailangan ng pampublikong interes’,” ayon sa Cenpeg.
Kung kaya walang batayan ang pagpapaypay ng mga Piñol sa hidwaan sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim – hinayaan ng MOA na manatili ang kontrol ng gobyerno sa mga proyektong pagkakakitaan nito. Lumalabas na wala ring batayan ang pagtuloy na pag-atake ng militar sa mga posisyon ng MILF at mga komunidad ng Moro.
May isa pang malinaw na layunin ang MOA para sa gobyerno, ayon kay Ocampo. Ito ang pagtulak ng Charter Change. “Lumilinaw na ang kasunduan sa ancestral domain, laluna ang pormasyon ng BJE, ay nakadikit sa mga hakbang sa pag-amyenda ng Saligang Batas,” aniya.
Dahil nangangailangan umano ng batas na magpapatibay sa pagtatag ng BJE, itutulak ng mga alyado ng Pangulo ang pag-aamyenda ng Saligang Batas. Maaaring umanong plano ng Malakanyang na ituring na isa sa mga pederal na yunit ang BJE ng gobyernong may pederal na sistema.
Ikinakatakot ng marami na maging daan ang pag-amyenda ng Saligang Batas sa pananatili ni Pangulong Arroyo sa kapangyarihan matapos ang taong 2010.
Tunay na motibo
Para sa MILF, tila unti-unting humahantad ang tunay na motibo ng GRP sa pagtulak sa MOA. Marami ang nagsasabing maaaring inaasahan na ng gobyerno na rerendahan ng Korte Suprema ang kasunduan dahil sa mga probisyon nitong malinaw na labag sa Saligang Batas.
“Parang nauubusan na ng dahilan ang Pilipinong pampulitikang uri sa pagtanggi nito sa karapatan ng mga Moro na idetermina ang aming pampulitikang istatus,” ayon kay Maulana Alonto, negosyador ng MILF.
Samantala, habang ipinapatupad ang 15-araw na TRO ng Korte Suprema, gusto sana ng Suara Bangsamoro na pag-usapan na sa publiko, laluna sa mga komunidad ng Moro, Kristiyano at Lumad, ang MOA. Iginigiit nilang agarang itigil ang mga operasyong militar.
At itigil na rin pati ang aktibong pagpapaypay ng mga lokal na pulitiko tulad ng mga Piñol sa apoy ng diskriminasyon at digmaan.
May ulat si Ilang-Ilang D. Quijano

RSS