News Update

Pagpalit ng depensa: pinapayagan ba?

Atty. Remigio Saladero

TINANGGAL ng kompanya ang mga manggagawa nito dahil umano sa dahilang gusto nitong maiwasan ang pagkalugi. Nagdemanda ang mga manggagawa. Dumating ang desisyon at natalo ang mga manggagawa. Nang mag-apela ang mga manggagawa, iba na ang katuwiran ng kompanya. Sinabi niya na ang tunay na dahilan kung bakit siya nagsara ay dahil sa karapatan niyang ihinto ang kanyang negosyo at walang makakapilit sa kanya na ipagpatuloy ito. Pinapayagan ba ng husgado ang ganitong katuwiran? Tingnan natin ang kasong "Sari-sari Group of Companies, Inc. vs. Piglas Kamao (Sari-sari Chapter) , G.R. No. 164624, na dinesisyunan ng Korte Suprema noong Agosto 11, 2008 upang malaman natin ang kasagutan sa katanungang ito.

Sa naturang kaso, nagtayo ng unyon ang mga manggagawa ng kompanya sa isang tindahan nito sa Quezon City. Makalipas ang ilang linggo ay nagsampa ng petition for certification election ang unyon sa Department of Labor and Employment. Noong sumunod na buwan ay inanunsiyo ng kompanya ang pagsasara ng tindahan nito sa Quezon City.

Nagsampa ng kasong illegal dismissal at unfair labor practice ang mga manggagawa sa tindahan. Ayon sa kanila, kaya nagsara ang kompanya dahil sa ayaw nitong magkaroon ng unyon ang mga manggagawa. Mahigpit naman na itinanggi ito ng kompanya. Napilitan diumano itong magsara dahil tumaas na ang kontrata niya sa upa ng gusali at ayaw nitong malugi. Bukod pa rito, mahina ang bentahan sa nasabing pwesto at laging hindi naaabot ang quota nito. Ito ang tunay na dahilan kung kaya sila nagsara, at hindi sa dahil sa ayaw nilang magka-unyon ang mga manggagawa.

Pinawalang bisa ng Labor Arbiter ang demanda ng mga mnggagawa bagama't binigyan niya ng separation pay ang mga ito. Naniwala siya na totoo ang sinasabing dahilan ng pagsasara ng kompanya.

Nag-apela naman ang mga manggagawa sa National Labor Relations Commission (NLRC). Biglang nagpalit ng depensa ang kompanya. Sinabi nito may karapatan siyang magsara kahit walang dahilan basta't babayaran lang niya ng separation pay ang kanyang mga manggagawa. Binasura ng NLRC ang apela ng mga mangagagawa.

Dinala ng mga manggagawa ang kaso sa Court of Appeals. Dito, binaliktad ng Court of Appeals ang hatol ng NLRC at pinanalo ang mga manggagawa. Kulang umano ang pinakitang ebidensya ng kompanya na nalulugi ito. Wala itong financial statements na naipakita upang suportahan ang kanyang sinasabing pagkalugi. Napilitang dalhin ng kompanya sa Kotre Suprema ang kaso.

Napansin ng Korte Suprema na sa harap ng Labor Arbiter, pagkalugi ang dahilan kung bakit nagsara ang kompanya. Ito ang nilalaman ng lahat ng pleading na binigay sa Labor Arbiter ng kompanya.

Ngunit pagdating sa NLRC, nag-iba na ng depensa ang kompanya. Ayon sa kanya, ayaw na niyang magnegosyo at handa siyang magbayad ng separation pay sa kanyang mga manggagawa.

Ang pagpalit ng depensa sa isang kaso ay hindi pinapahintulutan, paglilinaw ng Korte Suprema. Kailangang tuloy-tuloy ang depensa ng isang panig. Ibig sabihin nito, dahil pagkalugi ang sinabing dahilan ng kompanya sa Labor Arbiter, kailangang pagkalugi din ang gagamitin niyang dahilan sa NLRC. Hindi siya pinapayagan ng batas na magpalit ng kanyang depensa.

Kung ganoon, dapat nating pag-aralan kung may sapat na ebidensya nga ang kompanya kaugnay ng pagkalugi, sabi ng Korte Suprema. Ang pinakamatibay na ebidensya ng kompanya ay ang financial statement nito. Subalit hindi ito ibinigay ng kompanya. Maliban sa pagsabi na tumaas ang upa ng tindahan at mahina ang benta nito, walang dokumento at financial records na ipinakita ang kompanya.

Lumalabas na walang batayan ang kompanya sa ginawa nitong pagtanggal sa mga manggagawa, sabi ng Korte Suprema. Dahil dito, tama ang desisyon ng Court of Appeals na bukod sa separation pay, dapat ding bayaran ng backwages ng kompanya ang mga mangagawa nito.