News Update

Natural family planning (Unang bahagi)

MAY kasabihan sa Inggles na “the more, the merrier.” Ganito ang tradisyunal na pananaw ng mga Pilipino pagdating sa pamilya. Kaya nga hindi lang kuya at ate ang tawagan ng magkakapatid. Mayroon pang diko, ditse, sangko, sanse, siko at bunso.

Sa susunod na buwan, madaragdagan ang pamilya ni Sally. Magiging dalawa na ang anak niya. Halong ligaya at kaba ang nararamdaman niya. Ligaya, dahil magkakaroon na rin siya ng anak na lalaki. At kaba, dahil may kakambal itong panibagong gastusin. Sa taas ng presyo ng mga bilihin, hindi na sapat ang kinikita ng kanilang sari-sari store para sa pangangailangan ng kanyang pamilya. “Kung ako ang masusunod, hanggang dalawang anak lang. Ang hirap lang tumanggi sa mister ko ’pag nag-aaya siya (na makipagtalik).”

Gaya ng karamihang mga Pilipino, madalas marinig ni Sally ang terminong NFP (natural family planning). Pero hindi malinaw sa kanya kung ano ang ibig sabihin nito.

Ano ba ang NFP?

Ang NFP ay ang paraan kung paano mabuntis o umiwas sa pagbubuntis batay sa kaalaman sa menstrual cycle ng babae. At dahil natural ito, hindi ito gumagamit ng birth control devices tulad ng condom at pills. Ito’y medically safe, mabuti sa kalusugan, epektibo at hindi magastos.

NFP at reproduction

Para mas maunawaan ang NFP, mahalagang malaman ang proseso ng reproduction. May dalawang ovary na matatagpuan sa kaliwa’t kanan ng uterus ng babae. Bawat buwan, nagpapakawala ito ng egg sa fallopian tube. Ovulation ang tawag dito. Nangyayari ito 12-14 na araw bago magsimula ang menstrual period.

Maaaring mabuntis ang babae kung makikipagtalik siya sa panahong ito. Dadaan ang sperm ng lalake sa cervix papasok sa fallopian tube. Pag may naabutan itong egg, magkakaroon ng fertilization o ang pagsasama ng sperm at egg. Mapupunta ang fertilized egg sa uterus, at dito ito magiging fetus.

Sa NFP, matutulungan ang mga mag-asawang matukoy ang mga araw sa menstrual cycle kung kailan fertile at maaaring mabuntis ang babae. Para sa karamihan ng kababaihan, nagpapakawala ng egg ang ovary dalawang linggo bago ang kasunod na menstrual period. 24 oras itong mananatiling fertile matapos itong mapakawalan. Kung nais ng mag-asawang umiwas sa di-inaasahang pagbubuntis, hindi sila dapat magtalik sa panahong ito.

(May karugtong)