News Update
Misteryosong pagkamatay ng OFW sa Middle East pinaiimbestigahan
NANAWAGAN NG masusing imbestigasyon ang Migrante-Middle East sa sirkumstansiya ng pagkamatay ng mga OFW (overseas Filipino workers) na napaulat na nagpatiwakal sa UAE (United Arab Emirates) para bigyang liwanag ang pagdududa ng mga pamilya ng mga biktima.
Kinumpirma ng Migrante-Dubai noong Agosto 28 ang pagkamatay ng OFW na si Evelyn Milo na tumalon diumano mula sa isang gusali sa Abu Dhabi noong Agosto 10, 2008.
Nauna na ring ibinalita ng Migrante-Dubai ang pagkamatay ng mga OFW na pawang ‘nagpakamatay’ din umano. Kinabibilangan ito nina Roderick Miranda, Norayda Ayuman Jeffrey Alberto So, Mitos Vergara at Myrna Baylosis.
Maliban sa mga nabanggit, kinukumpirma pa umano ng Migrante-UAE ang napaulat na ‘pagpapakamatay’ ng tatlo pang OFW sa Abu Dhabi.
Kinondena ng Migrante ang anila’y ‘kriminal na pagpapabaya’ ng mga opisyal at konsular ng Embahada ng Pilipinas sa UAE na nagdeklarang ‘nagpakamatay’ nga ang ilan sa mga nabanggit na OFW kahit wala pang masusing imbestigasyon.
Hindi umano binubusisi ng mga opsiyal ang mga naturang pagkamatay at nakukuntento na lamang sa lokal na ulat ng pulisya.
Nanawagan ang Migrante sa Department of Foreign Affairs sa Maynila na turuang mag-imbestiga ang kanilang mga opisyal sa UAE at asikasuhin ang awtopsiya ng mga biktima para mabigyan ng liwanag ang mga kaanak ng mga ito sa tunay na dahilan ng kanilang pagkamatay.
Nanawagan rin sa Kongreso ang Migrante para magpatawag ng imbestigasyon hinggil sa mga naturang pagpapakamatay.
“At kung lumabas sa awtopsiya na may foul play, dapat sibakin agad sa puwesto ang opisyal na mapapatunayang sangkot sa cover-up sa ganitong mga kaso,” ayon pa sa grupo.
Manuela Sanchez
Related Articles
- Apela ni GMA para sa OFW na nasa death row, pinuna ng Migrante
- Pag-aresto ng gobyerno ng Malaysia sa lider migrante ng Nepal kinastigo
- Iskemang visit visa pinaiimbestigahan ng Migrante
- Gobyernong Arroyo makupad sa pagsaklolo sa binitay na Pinoy sa KSA - Migrante
- Gobyernong Arroyo ‘ipokrito’ sa paghingi ng public apology sa BBC
RSS