News Update
Mga Pinoy sa US para sa kapayapaan sa Mindanao
KINONDENA NG Bayan-USA (Bagong Alyansang Makabayan-USA) ang umano’y inisyatiba ng gobyernong Arroyo na idiskaril ang usapang pangkapayapaan sa MILF (Moro Islamic Liberation Front).
Nanawagan din ang Bayan-USA sa gobyernong US na huwag manghimasok sa mga ugnayang pulitikal at ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon sa grupo, nakikisawsaw ang US Institute of Peace, sa usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng tunggalian sa lupaing ninuno sa Mindanao habang patuloy na nagpapadala ng puwersang militar sa naturang rehiyon.
Tinukoy ni Chito Quijano, tagapangulo ng Bayan-USA na "langis at lupain" ang nasa gitna ng naturang usapin at hindi tunggaliang pangrelihiyon o "terorismo".
“Ang Mindanao ay tahanan ng ilan sa pinakamalalaking deposito ng langis at natural na gas sa rehiyong Asia-Pasipiko. Ang tunay na dahilan ng armadong tunggalian sa Mindanao ay ang interes ng mga multinasyunal na korporasyon na makontrol ang mga yamang ito”, sabi ni Quijano.
Sinabi pa ni Quijano na ang gobyernong US ay kilala sa kasaysayan nito ng pangwawasak at genocide sa mga katutubong mamamayan ng North America at panunupil sa mga minoryang lahi kaya malayong maging sinsero ito sa pagsusulong ng kapayapaan o yuyuko sa aspirasyon ng mamamayang Bangsamoro.
Idinagdag ni Quijano na ang makasaysayang laban ng mamamayang Bangsamoro sa awtonomiya mula sa republika ng Pilipinas ay inaabuso lamang ng gobyernong Arroyo at US para itulak ang Charter Change at pederalismo sa bansa.
“Sa paglalabas ng pekeng Memorandum of Agreement on Ancestral Domain, palihim na itinutulak ng gobyernong Arroyo ang pagbabago ng Konstitusyon. Walang intensiyon si Arroyo na isulong ang kapayapaan sa Mindanao. Bilang pag-abuso sa kanyang ehekutibong kapangyarihan, ang mga probisyon ng Cha-Cha, na may basbas ng US, ay kabibilangan ng pagpapalawig ng kanyang di-popular at diktaturyal na panunungkulan” ani Quijano.
Soliman A. Santos
Related Articles
- Apela ni GMA para sa OFW na nasa death row, pinuna ng Migrante
- Pag-aresto ng gobyerno ng Malaysia sa lider migrante ng Nepal kinastigo
- Iskemang visit visa pinaiimbestigahan ng Migrante
- Gobyernong Arroyo makupad sa pagsaklolo sa binitay na Pinoy sa KSA - Migrante
- Gobyernong Arroyo ‘ipokrito’ sa paghingi ng public apology sa BBC
RSS