News Update

Kontra-insurhensiya sa Tondo?

Ilang-Ilang D. Quijano

MAHIGIT isang beses kada linggo, may armadong mga bisita si Maria Regina Dacoycoy. Tatlo hanggang apat na sundalo ang tumatambay sa labas ng kanyang barung-barong sa tabi ng Ilog Pasig. Kapag mula si Maria Regina sa labas, tinatanong ng mga sundalo kung saan siya nanggaling. Kapag aalis siya ng bahay, tinatanong kung saan siya papunta.

Asawa ng mangangalahig sa Smokey Mountain at ina ng anim, wala namang trabaho ang 34-anyos na si Maria Regina – liban marahil, sa pag-oorganisa ng kababaihan. Presidente siya ng lokal na tsapter ng Samakana (Samahan ng Maralitang Kababaihang Nakikibaka), militanteng organisasyon pangkababaihan na nakakabit sa Gabriela.

Nang una siyang binisita ng mga sundalo noong Abril, inimbitahan siya at 10 pang kababaihan sa isang pulong sa barangay hall tungkol diumano sa relokasyon. Pero nang magsalita na ang isang Lt. Guanzon, kasama ng dalawa pang sundalo na kinilala lamang sa mga apelyidong Rodriguez at Miranda, hindi ang kalagayan ng pabahay ang kanilang kinamusta. Sa halip, tinanong sila isa-isa kung miyembro sila ng Samakana.

Si Maria Regina lamang ang naglakas-loob na umamin. Ipinanood sa kanila ang isang powerpoint presentation na pinamagatang Know Your Enemy. Unang ipinalaganap ng AFP (Armed Forces of the Philippines) noong 2005, binabansagan nitong prenteng komunista ang Gabriela kasama ng iba pang militanteng organisasyon. Pagkatapos, inutusan ng mga sundalo si Maria Regina na mag-sarbey sa bawat tahanan at alamin kung sinu-sino ang mga miyembro ng Samakana.

“Di ako nag-sarbey kasi alam ko na ang dahilan nilang hindi maganda. Umiikot sila dito na may mga baril na dala. Yung ibang kasamahan ko, natatakot na. Minsan ayaw nang dumalo sa mga pulong ng Samakana,” aniya.

Noong Disyembre 2006, nagpakalat ang AFP ng mga sundalo sa 26 maralitang komunidad sa Quezon City, Caloocan, Maynila, Taguig, Parañaque at Marikina. Binatikos ito na paggamit diumano ng gobyernong Arroyo sa mga sundalo para supilin ang oposisyon at ikampanya ang mga kandidato ng adminstrasyon. Nag-utos ng pull-out ang AFP matapos ang halalang lokal at pambansa noong Mayo 2007.

Pero naiwan ang mga tropang militar sa ilang lugar sa Kamaynilaan. Isa na rito ang Vitas o eryang saklaw ng Brgy. 101 at 128 sa District 1, Zone 8 sa Tondo, Maynila. Pagmamantine ng “peace and order” diumano ang pakay ng mga sundalo rito. Pero malinaw sa mga lider ng Samakana na sila ang puntirya. At tumitindi ang panghaharas sa kanila.

Pagtugis sa panahon ng krisis

Nagpasarbey kamakailan sa gusaling tinitirhan ni Genoveva Saligumba, 39, lider din ng Samakana. Para umano makatanggap ng libreng 14 kilo ng bigas kada linggo, kailangan punuan ni Genoveva ang sarbey ng iba’t ibang klase ng personal na impormasyon. “Pumayag ako, dahil sobrang taas ng presyo ng mga bilihin. Pero kinuha lang ’ata yung pangalan ko doon,” aniya.

Noong Hunyo 7, pinirmahan ni Pangulong Arroyo ang Executive Order No. 731. Inaatasan nito ang Isafp (Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines) na imonitor ang mga kagapanapang “pampulitika at panseguridad” sa mga komunidad. Paniguro umano ito na hindi magkaka-riot bunsod ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, partikular ng langis.

Pinangangambahan ng iba’t ibang organisasyon na ginagamit lamang ng gobyerno ang krisis pang-ekonomiya. Diumano’y ang totoong nais nito, patindihin sa lungsod ang militarisasyon na bahagi ng kampanya kontra-insurhensiya na Oplan Bantay Laya.

Hindi natanggap ni Genoveva ang pinapangakong libreng bigas para sa kanyang pamilya. Sa halip, noong Hunyo 14, dalawang sundalo ang bumisita at nagtanong kung lider siya ng Gabriela. Sabi ni Genoveva, “Oo. Bakit, legal naman ito ’di ba?” Pero sinimulang siraan ng mga sundalo ang grupo. Anila, dinadala sa bundok ang mga miyembro nito at doon pinapatay.

Gayundin ang sinabi ng mga sundalo kay Tessie Juaneza, 37, kalihim ng lokal na tsapter ng Gabriela. Dalawang beses siyang binista ng mga ito sa kanyang yunit. Noong Hulyo 28, naka-sibilyan ang tatlong sundalo na nagpanggap na mula sa isang NGO (non-government organization). Tinanong nila ang mga pangalan ng mga miyembro ng Gabriela na nakatira sa gusali. Hindi ito ibinigay ni Tessie.

Bumalik ang dalawa noong Agosto 18 – nakasuot na ng fatigues ang mga ito at nagpakilalang sundalo. Naging mas madiin sila sa paghingi ng listahan ng mga taga-Gabriela. Iuulat umano nila ito sa kanilang kumander. Inimbitahan din nila si Tessie sa isang training sa NHA (National Housing Authority) na may libreng pakain at medical mission. Dito na lamang daw padaluhin ang kababaihan, sa halip na sa General Assembly o GA na inaasikaso noon ng Gabriela. Muli, tumanggi si Tessie. “Parang awa niyo na, tigilan niyo na ang pagpunta rito,” sabi niya sa mga sundalo.

Isyung pabahay

Sakop ng Smokey Mountain Development Project na inumpisahan ng administrasyong Aquino ang tinitirhan ngayon ng mga dating iskuwater sa tambakan ng basura. Nagsisiksikan sila sa substandard na mga gusaling tagpi-tagping itinayo dahil sa sigalot sa maanomalyang kontrata sa pagitan ng NHA at mga debeloper nito. At, ayon sa mga residente, dahil na rin sa panggagamit ng mga opisyal ng gobyerno—mula kapitan ng barangay hanggang sa Pangulo ng Pilipinas—sa isyu ng pabahay para sa sariling interes pampulitika.

May bubong mang sinisilungan, wala silang kabuhayan liban sa pangangalahig, pagkakargador, o pagtitinda. Walang trabaho ang kalakhan. Dahil dito, laganap ang krimen at dekadenteng pamumuhay.

Taong 2000 nang magsimulang mag-organisa ang Samakana at Gabriela sa hanay ng mga kababaihan sa Vitas. Tumulong sila sa laban ng mga maralita para sa disenteng pabahay at kabuhayan. Nanguna rin sila sa mga misyon at pagsasanay medikal, programang literacy at numeracy para sa mga nanay na di nakapag-aral, workshop sa mga bata, relief mission kapag may nasalanta ng bagyo, at sa pagbibigay ng iba pang serbisyong salat sa Tondo.

Malaki ang pinagbago ng mga residenteng na-oorganisa. “’Yung mga magulang dito dati mahilig sa sugal. Gaya ko noon. Pero nang sumanib ako (sa Samakana), nawala kasi may ginagawa na ako. May ipinaglalaban,” sabi ni Maria Regina.

Isa na rito ang pagpapababa sa renta. Dahil sa paggiit ng mga residente, ibinaba ng NHA ang binabayaran nilang buwan-buwang amortisasyon, ayon kay Fe de los Santos, 53, presidente ng lokal na tsapter ng Gabriela. Mula P500, naging P250 na lamang ito.

Pero hirap pa rin ang mga taga-Vitas sa pagbayad ng umano’y patung-patong na interes at sa sistema ng pangongolekta ng bayad sa tubig at kuryente na nakatali sa renta. “Lalo lang pinahihirapan ang mga tao. Wala na nga silang trabaho, ’yung iba wala nang makain,” ani Fe.

Nang mag-aplay si Fe ng permiso para maglunsad ng GA ng Gabriela sa kanyang gusali noong Pebrero, inimbitahan siya ni Kapitan Ruth Palma ng Brgy. 128 para sa isang diyalogo. Pagdating ni Fe sa barangay hall, katabi ni Palma ang dalawang armadong sundalo. Umano’y itinala ang kanyang pangalan at address, at kinuhanan pa ng litrato gamit ang cellphone.

Bukod sa lokal na isyung pabahay, kagawian na rin ng organisadong kababaihan na talakayin ang mga isyung pambansa na nakakaapekto sa kanila. Sumasama sila sa malalaking kilos-protesta sa Kamaynilaan.

Hilig ni Genoveva na dumalo sa mga rali dahil aniya, “Gusto ko iparating ’yung mga karapatan ko na dati, takot talaga ako ipaglaban. Dati akala ko mababaril ako (sa mga rali), pero hindi naman pala. Maganda naman pala eh. Pati yung mga bata sinasama ko.”

Kinuwestiyon ng bumisitang mga sundalo ang pagpunta niya sa mga kilos-protestang kontra-Arroyo. Anila, makisama na lamang siya sa gobyerno sa halip na makipagtunggali.

Karahasan sa sibilyan

Pero tila walang simpatisador ang mga sundalong araw-araw rumoronda sa makikipot at mataong kalsada ng Vitas. Inirereklamo sila ng maraming residente dahil sa umano’y paglalasing at pambubugbog sa mga kabataang kanilang nakukursundahan.

Bandang alas-singko ng hapon noong Hulyo 13, naglalakad ang 22-anyos na si Virgilio Ramirez sa gilid ng tulay nang biglang pitsurahan ng dalawang sundalo. Amoy alak ang mga ito. “’Tang ina mo, siga ka ba rito?” sigaw ng isa. “Hindi po,” sagot ni Virgilio.

Pinilipit ng sundalo ang kanyang kamay. Nang bitawan, tumakbo na si Virgilio pababa ng hagdan. “’Tang ina mo, labas!” sigaw pa rin ng sundalo, at saka nagpaputok ng .45. Tumama ang bala sa pader malapit sa ulo ni Virgilio. “Siguro, kung hindi ako nakapasok ng todo, patay na ako,” aniya.

Hindi na nakapagsampa ng kaso ang pamilyang Ramirez. Umano’y tumanggi si Insp. Renato Viras ng presinto sa Brgy. 101 na iharap o pangalanan ang mga sundalo, at sinabihan ang pamilya na sa Camp Crame na lamang magreklamo.

Sabi pa ni Virgilio, binugbog ng mga sundalo ang isa niyang kaibigan na inakusahang sumisinghot ng rugby. “Sabi sa kanya, ‘paddle o kulong’? Tinanggap na lang niya ’yung sakit (ng paddle) kaysa makulong nang wala naman siyang kasalan.”

“Abusado sila…Hindi makatao ang ginagawa nila,” ayon kay Rosalinda Ramirez, 51. Kuwento ng ina ni Virgilio, ngayong Agosto ay binulabog ng pitong lasing na sundalo ang isang pamilyang nakatira sa tabing-ilog. “Sinipa nila yung bahay, sinabog yung mga gamit. Sa takot, nagtakbuhan yung mga batang nagluluto ng dugo (ng manok).”

Pero para kina Maria Regina, Genoveva, Tessie, at Fe, anumang pananakot at paninira ng militar, patuloy silang magmumulat at mag-oorganisa sa hanay ng maralitang kababaihan. Ayaw na nilang bumalik sa kamangmangan at dekadenteng pamumuhay. Anila, bansagan at tratuhin mang rebelde ay ipaglalaban pa rin nila ang karapatan sa buhay na marangal.