News Update

Kaso ng paralitikong OFW sa Dubai, inilapit sa Migrante

in

ISANG kaso ng paralitikong OFW (overseas Filipino worker) na halos isang taon nang nasa ospital sa Dubai ang inilapit ng kanyang mga kapwa-OFW sa tsapter ng Migrante International sa UAE (United Arab Emirates) para humingi ng tulong.

Ayon kay Nhel Morona, pangkalahatang kalihim ng Migrante-UAE, nakatanggap sila ng e-mail mula sa kanilang tsapter sa Qatar na humihingi ng tulong para sa isang OFW na kinilalang si Balkan Musa na halos isang taon na umanong nasa isang ospital sa Dubai.

Sinabi ni Morona na walang anumang dokumento na magpapakilala sa biktima nang dalhin ito sa ospital kaya nahirapan silang kilalanin ito. Nakilala lamang si Musa nang may lumapit sa kanilang kakilala ng biktima.

Gayunman, nahirapan ang Migrante na makakuha ng iba pang impormasyon kay Musa dahil paralisado na ito.

Sinabi ni Morona na naipaalam na nila sa tanggapan ng OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) ang kaso sa Dubai ang kaso at sinabi umano ng tanggapan na sila na ang bahala sa kaso ni Musa.

Ayon sa OWWA, may ilan pang teknikalidad na kailangang gawin para maiuwi si Musa sa Pilipinas.

Kinondena naman ni Morona ang DFA (Department of Foreign Affairs) at OUMWA (Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs) dahil sa mabagal na paghawak sa kaso ni Musa.

Hinala ni Morona, hindi pa aasikasuhin ng mga kinauukulan ang pagpapauwi kay Musa kung hindi pa nila ito ipinaalam sa OWWA sa Dubal.

Hiniling ng Migrante sa OWWA na sagutin ang lahat ng gastusin, anuman ang kalagayan ni Musa bilang isang OFW.

Binatikos naman ng Migrante si Pangulong Arroyo na ipinagmalaki pa umano sa SONA nito na pinangangalagaan niya ang mga OFW.

“Kung talagang may pakialam siya sa mga OFW, dapat niyang utusan ang kanyang mga tauhan sa ibang bansa na lumikha ng mga kasunduan na mangangalaga sa mga OFW,” ani Morona.

 

Soliman A. Santos