News Update

Huli sa akto: pinaghihinalaang intelligence agent kinuyog ng estudyante ng PUP

in
Rodalyn S.M. Capilo

Apat na mga pinaghihinalaang intelligence agent ang nahuli na nagsasagawa ng surveillance sa mga lider estudyante habang nagdadaos ng programa sa PUP (Polytechnic University of the Philippines) noong Agosto 29.

Kinondena ng pambansang tagapangulo ng Anakbayan na si Ken Ramos ang ganitong panghihimasok bilang taktika ng administrasyon ng PUP upang takutin ang mga estudyante.

Dalawa kaagad sa mga suspek ang kinompronta ng mga estudyante. Narekober sa camera ng isa sa pinaghihinalaang agent ang litrato ng tagapangulo ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral na si Krishna Ayuso. Sa isinagawang interogasyon, tumangging magbigay ng pahayag ang mga nahuli. Isa sa dalawang lalaki ang nagtangkang tumakas ngunit agad na nahuli ng mga estudyante.

"Tumatanggi silang sabihin ang kanilang motibo sa pagdodokumento ng aming piket-program, pero malinaw sa kanilang mga aksiyon na ang kanilang intensyon ay ang maniktik at kami ay takutin," sabi ni Ayuso.

Dumating naman ang mga miyembro ng PNP (Philippine national Police) SWAT Team ngunit hinarang din sila ng mga estudyante. Ipinagbabawal ng kasunduang Enrile-LFS na pinirmahan noong 1980 ang pagpasok ng mga armadong pulis sa pamantasan nang walang pahintulot ng administrasyon.

"Gayunpaman, lalo pa nilang pinagningas ang aming galit. Maaaring hindi sila nasabihan ng kanilang mga opisyal na ang picket-program ay isinagawa upang tutulan ang repersyon sa mga batayang karapatan na ginagawa sa amin ng administrasyon ng PUP," idinagdag pa ni Ayuso.

Ibinigay din na halimbawa ni Ayuso ang pagtanggi ng administrasyon para makalipat ang mga estudyante ng ROTC sa CWAT na component ng NSTP. Binigyang linaw din niya ang isinampang kaso sa mga lider ng mga militanteng organisasyon sa loob ng kampus, at ang anti-insurgency forum ng AFP (Armed Forces of the Philippines) na isinagawa ng tanghaling iyon.

"Paniniktik, pananakot at ang pagbibigay ng maling impormasyon ay laging parte ng arsenal ni Mrs. Arroyo sa mga nagpoprotesta. Ang mga ganitong hakbang ay laging may kaakibat na karahasan, ang ganitong mapanganib na konsepto ng pagtrato sa oposisyon ay ginagamit na sa mga instituston ng edukasyon. Si Mrs. Arroyo ang responsable sa pasismo sa mga eskwelahan" ipinahayag ni Ramos.