News Update

Empleyado ng gobyerno kasado sa protesta kontra Cha-Cha

in

Noel Sales Barcelona

TULUY-TULOY ang gagawing protesta ng mga kawani ng gobyerno para biguin ang Cha-Cha (Charter Change) ng administrasyong Macapagal-Arroyo.

Sa isang kilos-protesta sa harap ng Batasan Pambansa kasama ang iba pang militanteng grupo noong Agosto 26, sinabi ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage (Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees), na malaking dagok sa mga mamamayan kapag nagtuluy-tuloy ang pamamahala ni Gng. Macapagal-Arroyo na aniya'y batbat ng korupsiyon at katiwalian.

"Hindi makapapayag ang mga kawani ng gobyerno na manatili pa sa puwesto ang pangulong ito na numero unong kontra-kawani. Nilagdaan niya ang mga batas at kautusan gaya ng Lateral Attrition Act of 2005, Executive Order 366 at gayundin, ang pagpapabilis ng pagsasapribado ng mga kompanya at institusyong pag-aari ng gobyerno na magreresulta sa tanggalan ng libu-libong empleyado," paliwanag ni Gaite.

Bukod dito, anang militanteng lider, patuloy ding kinukurakot ng mga basalyos ni Arroyo ang pondo ng mga kawani na nakalagak sa Government Service Insurance System o GSIS.

"Noong 2004 at 2005, dalawang ulit na naglagak ng P1 Bilyon ang GSIS sa kaban ng pangulo sa pamamagitan ni Winston Garcia. Hindi namin alam kung saan ito ginastos. Kahit pa sabihing inilipat nilang muli ang pera sa Bureau of Treasury, na siya namang nararapat, sa teknikal—pangungurakot pa rin ito," paliwanag pa ni Gaite.

Hindi rin umano naniniwala ang mga kawani na hangad ng pangulo ang kapayapaan sa Mindanao kung kaya nito isinusulong ang pederalismong ipinanunukala ni Sen. Aquilino Pimentel Jr., at iba pang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ani Gaite, paunang hakbang ang Cha-Cha, hindi lamang para mapalawig ang termino ni Arroyo kundi para tuluy-tuloy na makapagpasasa sa yaman ng bansa.