News Update

Didith Reyes, wagi sa kaso ng Anti-Violence Against Women vs ex-lover

in

NAGSASAYA ang mang-aawit na si Didith Reyes sa mga araw na ito.

Bukod sa nagvo-vocalize na siya para sa kanyang pagbabalik sa pagkanta ay nanalo pa siya sa kanyang isinampa niya katulong ang abogadang si Carmelita Gilbuena Abrajano.

Matatandaan na noong Agosto 2006 ay lumabas sa pambansang telebisyon si Didith at inilantad niya ang malaking pasa sa kanyang mukha.

Ipinagtapat ni Reyes sa buong mundo na siya ay sinaktan at binugbog ng kanyang dating kasintahan na si Eulogio “Ely” Disonglo sa kanilang tahanan sa Biñan, Laguna.

***

Ang panayam na ‘yon sa TV ay napanood ng isang madre na taga-College of the Holy Spirit.

Walang kaginsa-ginsa ay nakiusap ang madre kay Atty. Carmelita Gilbuena Abrajano na tulungan si Didith sa paghahain ng sumbong laban sa dating katipan.

Kasyang-kasya naman na nagtuturo sa CHS si Atty. Abrajano kaya madali siyang nakontak ng madre.

Ibinigay ng alagad ng simbahan kay Abrajano ang tinitirhan ni Didith sa Biñan. Laguna. Pero sa San Pedro, Laguna na natalukap ng abogada ang mang-aawit na nakipagkasundo naman sa lady lawyer na ibubulalas niya ang lahat para makamtan niya ang katarungan.

Sa pamamagitan ng National Movement Against Taboos and Anomalies (M.A.T.A.) ay naghain ang abogada ng reklamo laban kay Disonglo ayon sa paglabag nito sa Republic Act No. 9296 o ang Anti-Violence Against Women and the Children.

***

Lalo pang nakumpleto ang kaligayahan ni Didith nang isang araw ay makatagpo niya nang personal si Abrajano sa Senado. Ikakasal kasi ang doktorang anak ng abogada kaya nagsadya siya para personal na iabot kay Senador Jinggoy Estrada ang imbitasyon dahil isa sa mga ninong ang aktor.

Pinadalhan din ng mga Abrajano ng paanyaya si Senador Bong Revilla. Kaya nang buksan ng abogada ang pinto ng upisina ni Bong ay ang kanyang namulatawan ay si Didith.

Napapatda si Atty. Abrajano.

Nagulat din si Reyes.

Hindi agad sila nakapagsalita nang tahasan pero pagkatapos ng mga ngiti ay nasambit ni Abrajano na “panalo ka sa kaso, a.”

Hindi makapaniwala si Didith, Helen Sta. Maria sa tunay na buhay. Nagulantang siya sa balita at napayakap nang mahigpit sa amin.

***

Sinabi ni Reyes na “I am vindicated.”

Ayon sa singer, talagang nais niyang mapatunayan na mali ang akusasyon sa kanya ng dating katipan.

Pero kahit na anya may pagkakataon na umiinom siya ng alak ay walang karapatan ang sinuman na siya ay saktan.

Sinabi ni Abrajano na makukulong ng mga walong taon si Disonglo.

“Magbabayad rin siya ng twenty four thousand pesos para makalaya siya,” pahayag ng abogada.

“Nasa akin na ang resolusyon at pirmado na ng huwes na humawak ng kaso,” sabi ni Atty. Abrajano.

***

Gayunman, ipinagtapat ng abugada na muntik na niyang bitiwan ang asunto dahil sa personal na reaksyon kay Didith.

“Pero ipinagpatuloy ko na rin. Ipinasa ko na nga ‘yan sa mga kasamahan kong abugado pagkatapos na may mangyari sa amin ni Didith. Pero ipinagpatuloy ko pa rin,” wika ni Abrajano.

Inilinaw ng abogada na wala siyang bayad sa pagtatanggol kay Reyes sa kaso.

Masayang-masaya naman ang kontrobersiyal na singer sa kapalarang dumapo sa kanya.

Kaya nga inspirado siya sa kanyang voice lesson kay Prof. Ryan Regala Manal para sa Grand Music Palace na nasa panulukan ng 18th Avenue at P. Tuazon Street sa Murphy, Cubao, Quezon City.

***

Nangako si Reyes na hindi na siya iinom ng alak. “Umiinom lang naman ako dahil sa pelvic bone crack ko dahil sa kirot at dahil na rin sa depression,” pahayag ng singer.

Pero ngayon ay humigit-kumulang na dalawang linggo na ayon sa nagpasikat ng mga kantang “Nananabik,” “Bakit Ako Mahihiya?” “Araw-Araw, Gabi-Gabi,” “Hatiin Natin Ang Gabi,” “Aliw” at marami pang iba na hindi siya tumutoma.

“Sana ay makabalik ako sa pagkanta,” hiling ng maganda pa ring bituin.

***

Nangangarap din na makabalik sa showbiz si Boy C. de Guia, ang pamosong TV host at peryodistang pampelikula na naging sikat sa “Scoop” at “CinemaScoop.”

Siya rin ay natatangi sa pag-aalaga kay Lino Brocka.

Bihira ang nakakaalam na si Boy ang tagapagbayad ng kuryente ni Lino pag napuputulan ng elektrisidad ang direktor dahil walang pambayad.

Ng mga panahong ‘yon kasi ay ayaw niyang idirek ang malalaking artista tulad nina Sharon Cuneta at Kris Aquino kaya naman hindi siya kinukuha ng mga prodyuser.

Walang kita noon si Brocka at si de Guia ang nagbabayad ng kanyang bahay at putol na telepono.

Pero may pagkakataon na itininda ni Boysie si Lino sa mga prodyuser tulad ng Seiko Films ni Robbie Tan at nagtagumpay naman ang pag-aahente ni Kuya Boy kay Lino.

Matipid kasi at mahusay si Brocka kaya kumikita ang kanyang pelikula.

***

Hanggang sa patulan na ni Vic del Rosario ang kahilingan nina Boy at Lino na bigyan sila ng proyekto na tatalakay sa kabaklaan kaya isinilang ang “Macho Dancer” ng Viva Films.

Kapalit nito ay ang pagdidirek ni Brocka kay Sharon sa pamamagitan ng “Pasan Ko Ang Daigdig.”

Doon na nagsimula ang kaliwa’t kanang paggawa ni Brocka ng pelikula sa maraming produksiyon kabilang ang Viva Films at halos lahat ng mga obra niya ay kumita tulad ng “Gumapang Ka Lusak,” “Sa Kabila Ng Lahat,” Babangon Ako’t Dudurugin Kita,” “Biktima” at marami pang iba.

***

Lumabas na sa Golden Acres Home for the Aged si de Guia kamakailan pagkatapos ng isang taon at kalahating pagtigil sa bahay-ampunang ‘yon.

Nakikisalamuha na si de Guia sa mas malawak na lipunan pero napagtanto niyang hindi gano’n kadali ang makibahagi sa labas.

Ipinasok ng “Wish Ko Lang” ng GMA Network si Boysie sa institusyon dahil ayaw nito na pagala-gala at nanghihingi na lang ng pera ang pamoso at kontroberisyal na PR-Manager nina Nora Aunor, Christopher de Leon, Hilda Koronel, Phillip Salvador, Michael Laygo, Carmi Martin, Alma Moreno, Vilma Santos, Anna Marie Gutierrez, Tessie Tomas, Helen Vela, Coney Reyes at napakarami pang iba.

“Pero gusto na ring bumalik muli sa Golden Acres. Mahirap sa labas. Mahirap makisama,” sabi ni Boysie na dating milyonaryo pero nagprodyus ng mga TV show na walang marketing kaya nalugi.

Hindi kasi negosyante si de Guia pero mayabang siya at nais patunayan na siya ay isang TV host.

Si Boy C. de Guia ang katumbas ni Boy Abunda ngayon.

Boy Villasanta