News Update

Automated elections sa ARMM, marami pang problema

Patrick Bilog

SA KABILA ng ilang insidente ng ballot snatching, pagbili ng boto, at iba pang iregularidad, itinuturing na mas mapayapa ang eleksiyon sa ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao) nitong nagdaang Agosto 11, 2008.

“Relatively peaceful ang eleksiyon,” sabi ni Salic Ibrahim, Chairperson ng CCare (Citizens Care), ang accredited citizen’s arm ng COMELEC (Commission on Elections). Nakatulong aniya ang pagiging automated ng eleksiyon dahil naiwasan ang dagdag-bawas sa canvassing.

May dalawang teknolohiyang ginamit sa eleksiyon, ang DRE (Direct Recording Electronic) at ang OMR (Optical Mark-Sense Reader). Ang DRE ay isang uri ng teknolohiya na gumamagamit ng electronic ballots na pinoproseso ng isang programa ng kompiyuter. Gumagamit naman ng paper ballots ang OMR. Mamarkahan ang pangalan ng mga kandidatong nais iboto at ipapadala ang mga resulta nito electronically.

Gayunman, may mga problema pa rin ang teknolohiyang ito – may ilang butas na maaaring pagsamantalahan ng ilang pulitikong may maitim na balak sa susunod na halalan.

“Hindi kumpleto ang automation, dahil counting lang ang automated. Hindi kasama ang biometrics,” dagdag ni Ibrahim. Hindi mahigpit sa pagtitiyak na tugma ang fingerprint at pirma sa profile ng botante. Kung may gustong manalo na kandidato, maghahanap sila ng weak areas at mamimili ng boto doon.

May ilang reserbasyon sa automation si Atty. Luie Guia ng Lente (Legal Network for Truthful Elections). “Ang laman ng balota ay bibilangin accurately. Pero ano ba ang binibilang?” tanong niya. Dahil shaded ang pagboto sa OMR, hindi maikukumpara ang penmanship sa pirma ng botante.

Napansin din ng LENTE na hindi pa alam ng karamihan ng mga botante kung paano gamitin ang mga makina dahil gahol sa mga practice machine. Malaki rin ang kakulangan sa teknikal na kakayahan ng BEI (Board of Election Inspectors). Bukod pa rito, karamihan sa mga BEI ay magkakamag-anak.

Problema rin umano ang “kultura ng hiya” sa ilang bahagi ng ARMM. Ayon sa isang saksi, may insidenteng nakaboto nang tatlong beses ang isang kinse-anyos dahil nahihiya ang bantay na hindi siya papasukin sa presinto. Madali niyang natanggal ang indelible ink gamit ang battery solution.

“Kung ikukunsidera natin ang automated elections para sa 2010, dapat tingnan natin ang buong sistema,” dagdag ni Atty. Guia.

Binubuo ang ARMM ng mga probinsiyang Basilan (kasama ang Lamitan City pero hindi bahagi ang Isabela City), Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur (kasama ang Marawi City), Maguindanao, at ang Shariff Kabunsunan (maliban sa Cotabato City). Tinatayang 1.6 M ang mga botanteng pumili ng panibagong Regional Governor, Regional Vice-Governor, at Regional Assemblymen.