News Update
Arroyo sinisi sa pagbuhay ng Reform Ilaga Movement
Ilang-Ilang Quijano
SINISI ng militanteng kongresistang si Rafael Mariano ng Anakpawis Party-list si Pangulong Arroyo para sa muling pagbuhay ng Reform Ilaga Movement, vigilanteng grupo na umaatake sa mga sibilyan sa Mindanao.
"Nananawagan kami kay Arroyo na kagyat na disarmahan at durugin ang armadong grupong ito. Pinangunahan naman ng kanyang mga opisyal na nahuhumaling sa vigilantism ang panawagan na armasan ang mga sibilyan," ani Mariano.
Ayon sa mga ulat, may plano si PNP (Philippine National Police) Director General Avelino Razon na mamigay ng 1,000 shotgun sa mga residente para palakasin ang pulisya na nakikipagsagupaan sa rebeldeng MILF (Moro Islamic Liberation Front).
Inamin naman kamakailan ni North Cotabato Rep. Bernardo PiƱol na sinusuportahan ng dating mga lokal na opisyal ng gobyerno ang Reform Ilaga Movement.
Nagbabala na ang Amnesty International laban sa pag-aarmas ng mga sibilyan na umano'y magdudulot ng mga paglabag sa karapatang pantao at magpapalalala sa giyera sa Mindanao.
Sinabi ng grupo na kapag hindi nasawata ng gobyernong Arroyo, maaaring dumami ang mga grupong vigilante gaya ng nangyari noong dekada '70 sa ilalim ng Batas Militar.
RSS