News Update
Saan mapupunta ang P45-Bilyon?
Ilang-Ilang D. Quijano

HINDI natutuwa silang sanay nang magsilbi sa mga maralita.
Nang
pumutok ang krisis ng taggipit—ang pagsirit sa presyo ng bigas, langis,
at kuryente—at simulan ng gobyernong Arroyo ang programang pamamahagi
ng subsidyo para diumano’y maibsan ito, agad na kumasa ang mga kawani
ng DSWD (Department of Social Welfare and Development).
“Halos
24 oras nagtatrabaho ang aming crisis intervention units,” ayon kay
Manuel Baclagon, bise-presidente ng Social Welfare Employees
Association of the Philippines.
Ayos lang naman sana sa kanila
na pasanin ang pamamahala ng bagong mga programa ng Pangulo, gaya ng
“Pantawid Kuryente: Katas ng VAT”—pamimigay ng P500 subsidyo sa mga
kumokonsumo ng mababa sa 100 kilowatt hour ng kuryente—at “Ahon
Pamilyang Pilipino”—pamimigay naman ng P300 hanggang P500 sa pamilyang
mahihirap.
Alam nilang kaiba ang mga programa sa subsdiyo, na
madaliang ikinasa, sa regular na mga programa ng DSWD na mas masinsin
ang pagpaplano at implementasyon. Pero kinikilala nilang pansamantalang
tulong din sa mahihirap ang mga ito.
Kaya naman laking gulat na
lamang nila nang ianunsiyo ni Pangulong Arroyo kamakailan ang National
Social Welfare Program o NSWP. Hindi ito pangungunahan ng hepe ng DSWD,
kundi ng bagong talagang hepe ng SSS (Social Security System) na si
Romulo Neri, dating direktor heneral ng Neda (National Development
Authority) at testigo sa maanomalyang NBN-ZTE.
Bilyun-bilyong dole-out
Noong
Hulyo 8, pinirmahan ni Arroyo ang Administrative Order No. 232.
Pinag-iisa ng AO 232 ang mga programa sa social welfare ng DSWD,
Department of Health, Government Service Insurance Sytem, at iba pang
mga ahensiya ng gobyerno sa isang programa na umano’y direktang tutugon
sa “masasamang epekto ng pandaigdigang kapaligiran[g] (pang-ekonomiya).”
Pangungunahan ang nasabing lupon (cluster) ng administrador ng SSS na binigyan din ng posisyon sa Gabinete.
Ayon
sa DoF (Department of Finance), nagkakahalagang P45-Bilyon ang
pinagsamang badyet para sa panlipunang kapakanan (social welfare) ng
nasabing mga ahensiya.
Pero malamang na lolobo pa ang halagang
ito. Ayon sa nakalap ng PINOY WEEKLY na inamyendahang AO 232,
pinamagatang “Adoption of Social Protection Framework to Harmonize the
Efforts Addressing the Impact of Adverse Global Environment on the
Country” at pinirmahan noong Hulyo 16, isinama na rin sa lupon ang Dole
(Department of Labor and Employment), Philippine Health Insurance
Corporation, Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform,
at Housing and Urban Development Coordinating Council.
Ipatatawag
din ang iba pang Government-Owned and Controlled Corporations at mga
liga ng lokal na pamahalaan para “suportahan and epektibo at madulas na
implementasyon” ng mga programa para sa proteksiyong panlipunan (social
protection).
Pinalitan din ang pangalan ng programa—mula
National Social Welfare Program, ginawa itong National Social
Protection Program o NSPP. Ito umano ang bungkos ng “mas buo at
dinamiko na mga programa at polisiyang dinisenyo para mapababa ang
antas ng kahirapan at bulnerabilidad sa pamamagitan ng
pagkakapantay-pantay at seguridad.”
Pero tila“dole-out” o simpleng pamimigay pa rin ng mga subsidyo ang magiging esensiya ng programa, anuman ang itawag dito.
Sinabi
ni Cerge Remonde, hepe ng Presidential Management Staff, na magiging
sentro ng State of the Nation Address ng Pangulo ang mga subsidyo ng
gobyerno, na bahagi ng programang pamumunuan ni Neri.
Maaasahan
ng publiko ang mas marami pang subsidyo, ayon din kay Lorelie Fajardo,
deputy presidential spokesperson. Itutuloy umano ang programang Katas
ng VAT Para sa Mahihirap o paglalaan para sa mga subsidyo ng bahagi ng
kinokolekta ng gobyerno na 12% VAT (Value-Added Tax) sa mga produktong
petrolyo.
Ngayong taon, P73-B ang inaasahan ng DoF na malilikom
na VAT sa mga produktong petrolyo, na 22 beses nang nagtaas ng presyo
simula Enero.
Pondo ng SSS, magagamit din?
Layon
ng AO 232 na isentralisa ang mga programa sa subsidyo sa mahihirap at
iba pang programang social welfare ng gobyernong Arroyo. Ipinagtataka
lang ng marami, bakit ito pamumunuan ni Neri sa SSS?
Wala
umanong kredibilidad si Neri dahil sa kanyang pananahimik sa
partisipasyon ng Pangulo sa $329-Milyong proyektong NBN-ZTE. Hinala pa
ng iba, gaya ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., may
inaasahan sa kanya ang Pangulo, kapalit ng posisyon sa Gabinete.
Mabilis
na tumugon ang Malakanyang: hindi gagamitin para sa mga programa ng
Pangulo ang P248-B pondo ng 27 milyong miyembro ng SSS.
Pero
ayon nga kay Sen. Mar Roxas, "Kung magkagipitan at inutusan siya (Neri)
ng Palasyo na maglabas ng pera ng SSS para sa isang proyekto na hindi
naman para sa SSS members, makakatanggi ba siya?”
Usap-usapang
nagbitiw ang dating hepe ng SSS na si Corazon dela Paz dahil sa
pamemresyur sa kanya ng Malakanyang na gamitin ang pondo ng ahensiya
para sa mga programa ng Pangulo.
Hindi ito kinumpirma ni dela
Paz. Pero nasabi niya kamakailan sa midya: "May limitasyon ang paggamit
ng pondo. Hindi ito maaaring gamitin sa maka-mahihirap na proyekto ng
gobyerno.”
Dagdag na antas ng burukrasya
Samantala,
naniniwala si Baclagon na di kinakailangan ang lupon para sa NSPP.
“Kung para sa koordinasyon, nariyan na ang iba’t ibang Inter-agency
Committee gaya ng National Anti-Poverty Commission at Social
Development Committee ng Neda,” aniya.
Inangkop lamang ng NSPP
ang estratehiya para sa social protection na binalangkas ng Neda-SDC.
May apat itong sangkap: (1) Labor Market Programs, (2) Social
Insurance, (3) Social Welfare, at (4) Social Safety Nets. Pangungunahan
ng Dole ang una; ng SSS ang ikalawa; at ng DSWD ang ikatlo at ika-apat.
Ang
SSS ang mamumuno sa lahat nitong mga ahensiya—kahit na DSWD ang may
pinakamalawak na mandatong hawak. DSWD ang pangunahing ahensiyang
nangangalaga sa “pinakamahihirap sa mahihirap.”
“Kung tunay na
nagmamalasakit si Arroyo sa mahihirap, bakit hindi pamunuan ng DSWD ang
mga programa para sa kanila? O dagdagan na lamang ang pondo ng
ahensiya? Kami naman ang may karanasan sa ganyan. Bakit kailangang
magtayo ng isa pang antas sa burukrasya?” ani Baclagon.
Puna pa
niya sa mga programa sa subsidyo ni Arroyo, hindi pinag-isipan at
pansamantalang solusyon lamang: “Nakakapanghinayang na nasasayang ang
mga rekurso ng gobyerno sa mga pamigay na para sa kakaunti lamang, at
nagagamit pa sa pulitika.”
Umano’y marami pang mga proyektong
mas pangmatagalan ang epekto dahil kinokonsidera ang iba’t ibang mga
indikasyon ng pag-unlad, tulad ng imprastruktura, kalusugan, edukasyon,
sitwasyong pangkomunidad, serbisyong pansuporta (support services) at
pag-oorganisa.
Tutol ang maralita
Hindi magdudulot
ang NSWP ng “pagkakapantay-pantay” at “seguridad”. Bagkus, palalalain
ng programa ang kawalan nito, ayon naman sa grupong maralita na Kadamay
(Kalipunan ng Damayang Mahihirap).
"Ito ay panloloko lang upang
mapagtakpan ang kanyang (Arroyo) malalaking pananagutan sa aming mga
maralita. Masahol pa, tiyak na magiging balon ito korupsiyon laluna't
papalapit na ang 2010 halalan," sabi ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida,
pambansang tagapangulo ng Kadamay.
Ginagamit din umano ang
programa na dahilan para patuloy na makapangolekta ng VAT sa kabila ng
lumalakas na panawagan mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang
Simbahan, na tanggalin ito.
Sa komputasyon ng Kontra-KulimVAT,
alyansang nananawagan ng pagtanggal sa VAT, sa bawat P1 subsidyong
ibinibigay ng gobyernong Arroyo, P9 na VAT ang kinokolekta nito. (Batay
ito sa P8-B na nagastos umano ng gobyerno sa mga programa sa subsidyo.)
"Ipinapakita
nito na napupunta sa Malakanyang ang Katas ng VAT, at hindi sa
publiko,” ani Arnold Padilla, tagapagsalita ng Kontra-KulimVAT.
Kung
gayon, walang dahilang matuwa sa mga programa sa subsidyo hindi lamang
ang mga kawani ng DSWD na tila sinagasaan ang trabaho—kundi ang bawat
maralitang nagigipit, binubuwisan, at maaaring niloloko.
Larawan mula sa PCPO (Presidential Close-in Photographers Office)
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS