News Update

Walang ginhawa

Kenneth Roland A. Guda

Maghanda sa lalong pagtindi ng krisis. Ito, sa madaling salita, ang mensahe ni Virginia Ruivivar, tagapagsalita ng Petron Corporation, matapos sabihing inaasahan nilang lingguhang tataas ng P1.50 kada litro ang presyo ng gasolina. Tulad ng inaasahan, isinisisi nila ito sa pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Hindi na maikubli ng mga salitang pampalubag-loob ni Ruivivar ang planong pagtaas. Diretsahan na niyang sinabi na “Walang ginhawang natatanaw. Kailangang pasanin ng mga konsiyumer ang linggguhang pagtaas, malamang sa presyong P1.50 kada litro.”

Samantala, nalalakihan diumano si Sek. Angelo Reyes ng Enerhiya sa idinedeklarang under-recoveries (halagang di nababawi ng kompanya ng langis mula sa pagbili nito hanggang sa pagbenta) ng mga kompanya ng langis. “Sa kasalukuyang antas ng foreign exchange, masyadong mataas ang P11,” reklamo ni Reyes.

Tila may pag-amin si Reyes na kahit pa sabihing tumataas nga ang presyo ng langis sa pandaidigang merkado, hindi pa rin nito gaanong maipapaliwanag ang laki ng itinataas ng presyo ng langis sa bansa.

Gayunman, walang magagawa si Reyes. Sa deregularisadong industriya, walang kapangyarihan ang gobyerno na kontrolin ang presyo kahit sa mga panahong pinagsasamantalahan na ng mga kompanya ng langis ang krisis para magpataw ng di-makatarungang pagtaas ng presyo.

Mungkahi ni Reyes na magtatag ng isang Energy Contingency Task Force na siyang magsasagawa ng mga pag-aaral sa kung paano maiibsan ang epekto ng lingguhang pagtaas ng presyo.

Kabilang sa tinatanaw na mga hakbang ay ang pagtitipid ng gastos ng gobyerno sa kuryente at gasolina at subsidyo nito sa mahihirap na pamilya at komunidad.

Pinag-aaralan din ang muling pagbuhay sa Government Energy Management Program, na siyang magbabantay sa gastusin ng gobyerno sa kuryente at gasolina.

Pero duda ang militanteng mga organisasyon sa panukala ng gobyerno, kung epektibo itong makapamimigay ng subsidyo sa mga maralita. “Pinapaikot lang tayo ng Malakanyang. Kunwari nagbibigay ito ng ginhawa sa mga konsiyumer gayong ang ginagawa lang naman talaga nito ay pinapapasan sa mga konsiyumer ang (mabigat) na gastusin nito,” sabi ni Gabriela Rep. Liza Maza.

Itinutulak nila ang pagtanggal sa VAT (value-added tax) sa kuryente at gasolina para kahit papaano’y marendahan ang walang puknat na pagtaas ng presyo. “Ito ang pinakamabilis at pinaka-direktang paraan para magbigay ng ginhawa sa mga konsiyumer, laluna dahil lalong lumalaki ang binabayaran nila dahil sa VAT,” paliwanag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan o Bagong Alyansang Makabayan.

Pero sa kabila ng malakas na panawagan – na nagmumula sa mga militante at kahit ilang mambabatas – tila atubili pa rin ang gobyerno na alisin ang VAT. Malaking bahagi kasi ng pondo ng gobyerno ang nanggagaling sa buwis na ito. Tantiya ng Department of Finance, aabot sa P2.12 Milyon araw-araw ang kinikita ng gobyerno sa VAT.

Ayon sa mga kritiko, mas dapat pa ngang ikatakot ng publiko na napapasakamay ng gobyernong ito ang ganoon kalaking pondo. Dahil sa mga alegasyon ng malawakang korupsiyon sa pinakaitaas na antas ng gobyernong Arroyo – itinuring pa ito ng Transparency International na isa sa “pinakakorap sa Asya” – duda silang mapupunta nga sa mga maralita ang diumano’y subsidyo na nagmumula sa koleksiyon sa VAT.

Sang-ayon din ang mga tsuper ng Piston o Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide sa panukalang ibasura ang VAT para magkaroon ng pansamantalang ginhawa ang publiko. Sa hinaharap, gusto nilang ipabasura ang Oil Deregulation Law na siyang ugat ng kainutilan ng gobyerno sa industriya ng langis. Pero, sa ngayon, ayaw pa rin ng gobyerno ng bitawan ang polisiya ng deregulasyon.

Kaya naman sa lalong pagtindi ng krisis at pagtanggi ng gobyerno sa iminumungkahing radikal na mga solusyon, walang nakikitang kagyat na ginhawa ang mga mamamayan.