News Update

Mahabang lakbay mula Puerto Princesa hanggang Okinawa

Kenneth Roland A. Guda

Kung nanatili lang siya sa bahay sa bulubunduking bahagi ng Puerto Princesa, Palawan, hindi sana niya mababalitaan ang nangyari sa kakambal. Pero nasa sentro ng lungsod noon si Lala nang natawagan siya ng tiyahing nasa Okinawa, Japan. Ibinalita ng tiyahin na iyong nababalitang Pinay na ginasa sa Okinawa ay ang kambal niyang si Hazel.

Tulala siya nagpalakad-lakad sa lungsod. Pag-uwi, napahagulhol sa harap ng magulang, na hindi alam kung ano ang problema. Kinabukasan, ikinuwento niya sa mga ito. Hindi rin mapigilan ang pag-iyak ng mag-asawa. Sa una’y sinisi ang sarili: Bakit nila hinayaang magtrabaho sa Maynila at laluna sa Japan? Kalaunan, binalot ng pagkabalisa ang pamilya: Ano ang kanilang gagawin? Sino ang magmamalasakit na tumulong sa kanila?

Di kalaunan, nakausap ni Lala sa telepono ang kakambal. Pagkatapos, alam na nila ang gagawin nila: Lalaban sila, gaano man kahirap o katagal.

Maralita

Pamilya ng manggagawang bukid sina Hazel. Sila ni Shiela ang panganay sa anim na magkakapatid. Naninirahan sila sa lupain ng mga Mitra sa Palawan, pero nang mamatay si Ramon Mitra noong 2000 at napabayaan ang lupain nito, napuwersang magtrabaho ang amang si Rafael bilang construction worker. Ang inang si Melly naman, nagtatanim ng gulay na ibinebenta sa palengke.

Sa kabila ng karalitaan, nagawang naipag-aral nina Melly at Rafael ang anim na anak. Gumradweyt sa kolehiyo ang tatlong anak habang nag-aaral pa ang nakababatang tatlo. Dahil salat sa rekurso, matindi kung magtipid ang mag-asawa – pinagkakasya sa lahat ang kakaunting pagkain at pera.

Taong 2006 nang tumuloy sa Maynila si Hazel. “Iaahon ko tayo sa hirap,” pangako raw niya sa mga magulang. “Gagawa ako ng paraan para makaalis dito.” Namasukan siya sa kung anu-anong kontraktuwal na trabaho, pero di naging sapat ang suweldo para makapagpadala sa magulang.

Noong nakaraang taon, naaksidente sa motorsiklo si Lala. Isang manipis na tubong bakal ang tumusok sa hita niya. Hindi maalis ang bakal sa hita ni Shiela dahil walang pang-opera ang pamilya.

Ito na ang nag-udyok kay Hazel na tanggapin ang anyaya ng tiyahin na magtrabahong entertainer sa Japan. Tahimik niyang inayos ang papeles. Noong Pebrero 14, tumawag siya sa ina, nagpapaalam: Pupunta siya ng Japan kinabukasan.

Pakitang-tao

Nang pumutok sa midya ang panggagahasa kay Hazel sa Okinawa, tumulong si Palawan Mayor Edward Hagedorn sa pagpapa-opera kay Lala. Nag-alok naman ang Office for Migrants’ Welfare Assistance ng gobyernong Arroyo ng anim na buwang scholarship kay Lala – non-transferrable, kahit na gradwado na siya ng Hotel and Restaurant Management sa isang pamantasan sa Palawan.

Para lang magamit ang scholarship – na may food and beverage allowance – muling nag-aral sa kolehiyo si Shiela.

Samantala, tuluyan nang nanahimik ang Department of Foreign Affairs matapos ibasura ng tagausig ng Okinawa ang kaso ng panggagahasa kay Hazel.