News Update
Si Benito at ang espesyal niyang bisita
Kilalanin si Benito. Isa siya sa di-mabilang na mga batang mangangalkal ng basura sa tambakan ng Payatas. Hindi siya makapag-aral dahil walang birth certificate. Hindi pa siya nakakalabas ng Payatas sa tanang buhay niya.
Noong Abril 20, sumama si Benito sa isang children’s workshop sa Fairview, Quezon City na inisponsor ng Children’s Rehabilitation Center, Samahan ng Mararalitang Kabababihang Nagkakaisa o Samakana, at Gabriela. Kasama ang aabot sa 300 iba pang batang maralita, naglaro sila. Pinakain, at tinuruan ng origami, paggawa ng kuwintas mula sa butones, pagpinta sa mukha, at iba pa. At bago natapos ang araw, ipinakilala ang surpresang bisita: ang tanyag na artistang si Angel Locsin, na magdiriwang ng kaarawan ngayong Abril 23.
Dinumog ng mga bata si Angel. Nagpalitrato, nakikulitan, nakipaglaro. Nagtanghal ang ilang grupong pambata tulad ng Children’s Collective ng CRC at Payatas. Samantala, nakipagkulitan din ang ilang kaibigang kapwa artista ni Angel na sina Joross Gamboa at Valerie Concepcion.
Nagbuhos ng regalo’t pagkain ang mga kompanyang may mga produktong iniindorso ni Angel.
Eksklusibong nasubaybayan ng Pinoy Weekly ang landas na tinahak ni Angel patungong Fairview noong Abril 20. Nagsimula ang lahat dalawang linggo na ang nakararaan, nang maisipan ng artista na bumisita ng Payatas. Nagsuot siya ng pekeng ngipin at ordinaryong damit, at nagtakip ng mukha. Sa tabi ng mismong bundok ng basura, nakipag-usap siya sa mga bata at kananayan, habang nalalanghap ang masangsang na amoy na nakasanayan ng mga tao roon.
Nakukuwentuhan si Angel tungkol sa mga usaping panlipunan ng kapatid na si Ella, gayundin ng mga kapwa-miyembro sa Gabriela. Pero hindi siya nagkasya sa pakuwento-kuwento. Ginusto niyang makita mismo ang mukha ng karalitaan. Kahit papaano, ang ilang oras ng paglalakad sa Payatas ay nagsilbing siwang sa mundong may nagsasamantalang iilan at pinagsasamantalahan karamihan.
Isa si Benito sa mga batang nakausap ni Angel noong bisita niya sa Payatas. Hindi siya sanay makipag-usap sa estranghero, pero mapaglarong ngiti ang sinalubong niya sa bumisitang artista. Kahit papaano, pansamantalang ginhawa ang bisitang ito at ang pagtungo sa children’s workshop mula sa araw-araw na trabaho sa basura.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS