News Update
Pag-ampat sa presyo, ayaw ng gobyerno
Kahit papaano, sa araw na iyon, masaya si Nanay Jenny Dullano. Medyo matagumpay ang pangangalkal ng basura noong araw na iyon – kumita sila ng anak ng mahigit P300 sa pagbenta sa mga junkshop sa Payatas. May pabonus pa: isang basket ng sachet ng mantika, itinapon na sa basura at napulot nila sa tambakan. “Puwede na ’to,” ani Nanay Jenny.
Pero bihira ang masasayang araw sa mundo niya. Tatlong buwang buntis at may apat na anak ang 36-taong-gulang na si Nanay Jenny. Dahil bakasyon sa eskuwela, kasabay niyang nangangalkal ng basura ang mga anak. “Nakakakuha kami ng mga gulat na mga tapon galing sa pakengke. May talong, sitaw, repolyo, petsay, alugbati, kamote, okra – lahat ng gulay nakukuha namin sa tambakan,” aniya.
Minsan, pati bigas na tinapon sa basura, nakakapulot sila. “Basta okey pa,” ani Nanay Jenny.
Noong may pasok, halos maubos ang perang kinikita niya sa pamasahe at baon ng mga anak. Kakarampot na lang ang natitira para sa pagkain. Pati tubig, kinakailangang bilhin dahil walang likas na mapagkukunan ng malinis na tubig sa Payatas.
Galing Capiz, Aklan si Nanay Jenny at ang asawa niya. May sarili silang lupang sinasaka, pero nabaon sa utang dahil sa ilang beses na hindi nakapag-ani. Napadpad siya ng Maynila para maging katulong. Di kaila sa kanya na di dapat nagugutom ang Pilipino dahil mataba ang lupa.
“Sa probinsiya, tatlong beses kami kumain dahil maraming bigas,” aniya. Pero ngayon…
Salik sa presyo
May tatlong salik sa pagtaas o pagbaba ng presyo ng anumang bilihin, ayon kay Sonny Africa, ekonomista at pinuno sa pananaliksik ng Ibon Foundation Inc., isang independiyenteng institusyon sa pananliksik. Una ang supply and demand ng mga produkto. Kung tumaas ang pangangailangan sa isang produkto at walang kaakibat na pagtaas sa suplay, tataas ang presyo. Kung wala naman masyadong demand sa naturang produkto, bababa ang presyo.
Pangalawang salik ang gastos sa produksiyon. Kapag tumaas ang gastos sa paglikha ng produkto – halimbawa, tumaas ang presyo ng gasolina – tataas din ang presyo ng produktong ito.
“Pangatlo,” ayon kay Africa, “ang kapangyarihan ng monopolyo.” Kapag monopolisado ng iilang negosyante ang suplay at paglikha ng isang produkto, malayang naitatakda ng iilang negosyanteng ito ang presyo sa pagbenta ng produkto.
Sa buong mundo, tumataas ang presyo ng pagkain. “Walang duda kung bakit ganito,” sabi ni Africa. “Tumaas ang mga presyo dahil bumaba ang suplay ng pagkain kung ikukumpara sa demand. Tumaas din ang gastos sa produksiyon. Lalo ring nakonsentra sa iilan ang paglikha at pagbenta ng pagkain.”
Taong 1999 lalong tumindi ang kumbersiyon ng mga lupain sa mundo. Mula sa pagtatanim ng mga kinakailangang pagkain tulad ng bigas, ibinukas ang mga lupain sa mahihirap na bansa sa pagtatanim ng mga tinatawag na high end crops o cash crops – mamahaling mga gulay at prutas na kalakha’y kinakain sa mayayamang bansa.
Dumami rin ang bilang ng mga lupain sa mahihirap na bansa na nakalaan para sa biofuel, tulad ng pagtatanim ng jathropa, isang uri ng tanim na nagagamit para gumawa ng langis. “US ang pinakamalaking konsiyumer ng langis sa mundo, kung kaya naisip ng mga mahihirap na bansa (tulad ng Pilipinas) na maglaan ng mga lupain nila para tugunan ang pangangailangan ng US,” paliwanag ni Africa.
Mababa ang kita sa mga pananim na tulad ng bigas kung ikukumpara sa cash crops at biofuel. Pero sa pagitan ng pagkain at karagdagang langis para sa mayayamang bansa, dapat sana’y nauuna ang pagkain.
Krisis sa bigas
Sa Pilipinas, pinakamatingkad ang pagtindi ng krisis sa bigas.
Ayon kay Africa, aabot sa 10% lamang ng bigas ng Pilipinas ang inaangkat mula sa Vietnam at Thailand na binebenta ng NFA (National Food Authority), samantalang 90% ay sinusuplay ng lokal na mga magsasaka.
“Sa buwang Enero hanggang Abril ngayong taon lamang ito,” paliwanag ni Africa. Ibig sabihin, sa ngayon ay ang 10% pa lamang ng kinokonsumong bigas ng mga Pilipino ang aktuwal na apektado ng pagtaas ng presyo ng bigas sa ibang bansa. “Kapag itinataas ng NFA ang presyo, pinagsasamantalahan ng mga private producer ang sitwasyon at itinataas din ang presyo nila.”
Kaya ngayon, may average na P35 presyo kada kilo ang komersiyal na bigas kahit na sinasabi mismo ng gobyerno na walang kakulangan sa lokal na suplay nito. Hirap sa presyong ito ang ordinaryong mga mamimili tulad ni Nanay Jenny – nagkukumahog ang mga maralita na pumila sa limitadong suplay ng imported na bigas ng NFA.
“Lalala pa ang sitwasyon sa susunod na mga buwan,” deklara ni Africa. Binabalak kasing ibukas ng gobyerno sa mga kompersiyante ang pagbenta ng imported rice sa halip na NFA lamang. Nitong Lunes lamang, iminungkahi ni Sen. Edgardo Angara ang pagbawas sa kapangyarihan ng NFA. Kung mangyayari ito, ayon kay Africa, lalong tataas pa ang presyo ng bigas. Maaaring umabot sa mahigit P50.
“Delikado ang sinasabi ng gobyerno na itaas ang presyo ng bigas (ng NFA) at pagpayag sa mga commercial dealer na mang-angkat ng bigas mula sa labas,” paliwanag pa ni Africa.
Kung magaganap ito, maaaring matutulad ang bigas sa kinahinatnan ng tinapay. Ang diperensiya lang, mas umaasa ang mga Pinoy na mabusog sa kanin kaysa tinapay. “Matindi ang sitwasyon sa tinapay,” ani Africa. “Kasi wala naman talaga tayong wheat industry. Lahat inaangkat.”
Pagkontrol sa presyo
Panawagan ng progresibong mga organisasyon tulad ng Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan, na agarang kontrolin ng gobyerno ang presyo ng mga produktong pagkain. Di sang-ayon dito si Pangulong Arroyo, na nagsabing wala naman sa state of emergency ang bansa para kailanganing kontrolin ang presyo.
“Kasi wala naman price control. ’Yung laro ng presyo ay nakaayon sa market forces,” paliwanag ni Jaime Lasaro L. Olmos, Assistant Director ng Bureau of Trade Regulation and Consumer Protection ng Department of Trade and Industry. “Wala naman ’yung mga kondisyon na mangangailangan ng price control tulad ng emergency, calamity, o martial law. Sa pananaw ng ating administrasyon wala pang sapat na kondisyon na puntahan ang opsiyon na price control.”
Pero paliwanag ni Neri Guerrero ng Gabriela, tila gustong kalimutan ng DTI ang aktuwal na nilalaman ng Price Act of 1992. Sa Artikulo 6 ng batas na ito, nakasaad ang mga kondisyon para magtakda ang gobyerno ng automatic price control – kung ano ang presyo sa merkado, hindi na maaari pang taasan. Maaari itong ideklara kung may state of emergency tulad ng sinasabi ni Olmos.
Pero nakasaad sa Artikulo 7, puwedeng magdeklara ng price control kung: (1) may naganap na kalamidad o emergency; (2) may malawakang ilegal na manipulasyon ng presyo; at (3) kung may nagaganap na malawakang hoarding o di-makatarungang pagtaas ng presyo. “Lahat ng kondisyong ito ay nagaganap na ngayon,” sabi ni Guerrero.
Ayaw ng DTI pasukin ang usapin ng price control. Ayon kay Olmos, ang gawain lamang ng DTI ay ipaalam sa publiko ang kasalukuyang mga presyo. “’Yung presensiya nung mga nagmomonitor ng DTI linggu-linggo para mapigilan ang mga negosyante na magisip ng masama,” ani Olmos.
Hindi nagtataka ang Gabriela sa pagtanggi ng DTI sa pagkontrol ng presyo. “Ipinamamalas lang nito na hindi sinsero ang gobyerno sa pagtugon sa krisis sa presyo ng pagkain,” sabi ni Guerrero.
Pansamantalang ginhawa lamang para sa mga tulad ni Nanay Jenny ang pagkontrol ng presyo ng mga bilihin. Marami sa mga mamamayang Pilipino ang pareho, o mas masahol pa sa, kalagayan niya. Pero tila may mas matimbang pang konsiderasyon ang pamahalaan sa pagtanggi nitong iampat ang nagtataasang mga presyo.
May ulat sina Mikas Matsuzawa, Jan Marcel Ragaza at Noemi M. Gonzales
Nagtataasan ang presyo ng mga bilihin sa iba't ibang bansa. Hindi ligtas sa krisis na ito ang Pilipinas.
Bigas: Tumaas 44%
Mula P25 noong Abril 2007, naging P36 kada kilo ang presyo ng komersiyal na bigas (premium) ngayong buwan.
Isda: Tumaas 14.3%
Mula P70 noong Abril 2007, naging P80 kada kilo ang presyo ng tilapia ngayong Abril 2008
Baboy: Tumaas 23%
Mula P140 kada kilo noong nakaraang taon, naging P170 na ngayong buwan.
Manok: Tumaas 20%
P100 lamang ang presyo ng manok kada kilo noong nakaraang taon. Ngayon, aabot na ito sa P120.
Gulay: Tumaas 20%
Isa sa pinakapopular na gulay ang talong, na naging P30 kada kilo ngayong buwan mula sa P25 noong nakaraang taon. Nagtaas din ang presyo ng sitaw, repolyo, sibuyas, patatas, pechay, at labanos.
Prutas: Tumaas 25%
Tumaas ang presyo ng kalamansi (mula P40 kada kilo noong Abril 2007 ay naging P50 ngayong buwan) samantalang bahagyang bumaba o namantini sa dating presyo ang lakatan, latundan, papaya, at mangga.
Asukal: Tumaas 5%
Nagmahal ang refined sugar ngayong taon, samantalang nanatili sa dating presyo ang brown sugar
Mantika: Tumaas 56%
Presyo ng mantika ang isa sa pinakamalaki ang itinaas: mula P18 noong Abril 2007 ay naging P28 ngayong buwan.
Source: Department of Trade and Industry, Price Monitoring Report for Agricultural Commodities, Metro Manila, 15 Abril 2008
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version

RSS