News Update
Bibeth Orteza: Ang babaing ‘nagbabala’ kay Gloria
LARAWAN ng matatag at palabang babae si Bibeth Orteza noong Nobyembre 29, 2007.
Matapos magdeklara ng rebelyon sina Sen. Antonio Trillanes IV at Brig. Hen. Danilo Lim sa Makati, mag-isa siyang tumungo ng Manila Peninsula Hotel para ihayag ang suporta sa adhikain ng dalawa. Nang salakayin ng mga tropa ng gobyerno ang hotel, at kabilang siya sa mga inaresto, matapang na inihayag ni Bibeth sa midya: “Sana kung kailangan mo mamatay, mamatay ka para sa bayan, ‘wag ka namang mamatay dahil sa sakit,” pahayag ni Bibeth, isang breast cancer survivor. “Right now, I’m very proud to be a Filipino… Sabi nga ni Salud Algabre, kung minsan kailangang umatras ka para manalo.”
Mas tanyag bilang premyadong artista at scriptwriter si Bibeth. Pero di rin lingid sa madla ang aktibong pakikilahok niya sa mga isyung pampulitika – mula sa pagtutulak ng mga panukalang batas para sa kapakanan ng industriya ng pelikula hanggang sa aktibong paglahok sa Gabriela at sa mga adhikain nito. Ngayon, aktibo rin siya sa malawakan na kilusan para sa pagbibitiw ni Pangulong Arroyo bilang isa sa mga tagapaagtipon ng BabaLa! (Babae Laban sa Katiwalian).
Nakapanayam ng Pinoy Weekly si Bibeth tungkol sa mga pananaw niya sa pulitika, laban ng kababaihan, showbiz at “kataksilan” daw ng babaing nakaupo ngayon sa Malakanyang.
Pinoy Weekly (PW): Paano kayo napalahok sa pampulitikang mga usapin?
Bibeth Orteza (BO): Produkto ako ng First Quarter Storm sa UP kaya I’ve always been political. Sumama ako sa Diliman Commune… Estudyante ako noong deklarasyon ng Martial Law. Noong nasa kolehiyo ako, naging miyembro ako ng Makibaka (Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan). Siyempre, these things will stay with you and even when I was already with the industry, I never really had official positions but from time to time, I get instructions. Noong artista pa ako, noong may radio program ako, they ask me to deliver messages on the air for meetings, but these were coded messages I think.
Ngayon, miyembro ako ng Gabriela.
PW: Ano ang mga advocacies na isinusulong mo nang sumali ka sa Gabriela?
BO: Ang Gabriela, siyempre, ang pinaka-concern niyan ang mga karapatan ng mga babae, di lamang sa bahay kundi pati na rin sa workplace. At, pati na rin ’yung karapatan ng babae, the wives and partners, at iyung karapatan mo to reproductive healthcare.
PW: Ano ’yung mga aktibidad ninyo ngayon?
BO: May isang linggong aktibidad ang Gabriela at BabaLa!, para sa Marso 8, ang International Women’s Day. May martsa doon. Magkikita-kita kami sa Welcome Rotonda at diretsong lakad hanggang sa Plaza Miranda. Alas-10 ng umaga ang simula. Pararangalan namin ang kababaihan at kalalakihan na sensitibo sa pangangailangan ng iba. Ililitanya namin ang di-nareresolbang mga krimen laban sa kababaihan.
PW: Ano sa palagay ninyo ang mga isyung kinakaharap ng kababaihan ngayon?
BO: [Isa sa pinakamalaking] isyu na kinakaharap ngayon nating lahat ay ang korupsiyon sa bansa dahil naaapektuhan nito ang kababaihan at kalalakihan… Ito ang isyu na dapat kasangkutan natin dahil tingin natin, kataksilan sa kabayanihan ng kababaihang Pilipino ang mga ginagawa ni Gloria Arroyo.
Tradisyon na kasi ito, di ba, mula sa kapanahunan nina Gabriela Silang at Melchora Aquino, kahit na noong panahon ng pananakop ng mga Hapon kung kailan mayroong babaing pinugutan ng ulo ng mga Hapon dahil sangkot siya sa gawaing gerilya.
At mayroon kang Maria Lorena Barros. Ilan nga bang aktibistang co-ed ang lumahok, na nag-alay ng buhay para sa bayan? Pagkatapos, lahat ng ito, parang mababalewala dahil sa liderato ng isang babae.
PW: Anong masasabi ninyo na ngayon na babae ang presidente at ganito ang nangyayari sa ating bansa ngayon?
BO: Kaya ito nga ang dahilan kung bakit dapat lumahok ang kababaihan. Laluna sa ganitong klase ng pamumuno, hindi komo babae ay susuportahan. Kapag mali siya, mali siya.
PW: Ano ’yung masasabi ninyo sa sitwasyon ng kababaihan sa showbiz? Ano’ng antas ng paglahok nila sa pampulitikang mga isyu?
BO: Para sa akin, it is no big deal na hindi involved lahat kasi unang-una, ang mga artista, talagang hindi naman sila mahilig ma-involve. Pangalawa, parang nakikita ko sa kanila na talagang ’yung iba, sasabihin nila na, “Eh kasi may taping kami,” o “Eh kasi mayroon kaming kontrata na nagsasabing di raw puwedeng sumama.” Pero alam mo, every now and then, may mga tulad ni Gina Alajar na napakadaling ayaing magbasa ng tula para sa rali. At si Gina, noong araw, madaling ayain, ewan ko lang ngayon di niyaya. Si Angel Locsin. Si Angel ay nagmula sa pamilya ng mga aktibista. ’Yung kapatid niya, nasa party-list na Kabataan. Yung uncle niya, si Neri Colmenares, abogado ni Lozada.
Bihirang ma-involve ang artista, bihirang mag-volunteer for issues of concern na ganito. Para sa akin, okey lang ako. [Pero] ayoko mamilit. Makita mo naman si Gretchen (Barretto) bigla doon, magtataka ka, di ba? Kelangan kung gagawa ka ng isang bagay, alam mo ang papasukin mo.
PW: Ano po ang mensahe ninyo sa kapwa ninyo babae at sa kapwa-artista na rin po?
BO: Ako, una sa mga kagaya kong babae in general, panahon natin ito para magkaisa at magsalita para sa ating sarili lalo na sa isyu na ito. Nakikita natin kung saan pupunta ’yung mga kabataang babae na ang tatapang at ang gagaling magsalita. Maliwanag sa kanila ang isyu kaya kailangang linawin na natin ang mga isyu lalo na kung tayo ay mga nanay at may mga anak na puwedeng magtanong sa atin, “Inay, bakit po?”, “’Nay, ano po ’yun?” Hindi ka naman puwedeng magmaang-maangan kasi walang dadatnan ’yan at walang pupuntahan ang pagmamaang-maangan, di ba?
Sa mga kapwa ko naman artista, sana huwag naman tayong mabuhay para lang sa araw na dumarating ang ating talent fee. Tuklasin naman natin ang katuturan ng ating pagkatao bukod lang sa ating kinikita, bukod lang sa ningning na nadadala ng isang showbiz career sa ating bahay ’pagkat may relevance dapat ang buhay natin, hindi lang sa kung mafi-feature ka sa The Buzz.
(Abigail Moreno, Nicole Acala, Michelle Mediana. Therese Co, Winshayna Young, Gelo Villar)
Sina Abi, Nicole, Michelle, Therese, Winshayna at Gelo ay kasalukuyang mga intern sa Pinoy Weekly para sa isang kurso ng Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman
RSS