News Update

Juday, escort ni Ryan sa Aliw Awards

in
Boy Villasanta

WALANG mapagsidlan ng kaligayahan ang magsiyotang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo sa ika-30 taon ng Aliw Awards sa Palacio de Maynila kamakailan dahil sa pagwawagi ni Ryan ng Best Emcee (Male) sa timpalak.

Natalo ni Ryan si Boy Abunda at ang mundo nina Judy Ann at Ryan ay parang nakalutang sa alapaap.

“Nais kong ihandog ang karangalang ito sa aking mahal,” pahayag ni Ryan nang nakatingin kay Juday na kahanay ng mga presenter ng gabing ’yon.

“Gusto ko siyang tawagin dito,” dagdag ni Ryan habang nakasenyas ang kanyang mga mata sa kasintahan.

Pero parang walang narinig si Juday. Para sa kanya ay nakatuon ang atensiyon ng mga tao sa kanyang katipan at ito ang gabi ng mga gabi niya. Para kay Ryan lang ang gabing ’yon at siya ay alalay lang.

***

Kababalik lang noon ni Juday mula sa Spain kasama si Ryan at Alfie Lorenzo at ang unang hinarap ng aktres ay ang Aliw Awards kaysa Famas samantalang siya ang nanalo sa pagka-Best Actress.

Pero ang Aliw ang isang bagay na hindi makakalimutan ni Santos para kay Agoncillo.

Inspiradung-inspirado si Juday nang gabing ’yon at ang ganda-ganda niya.

“Para kay Ryan talaga ang pagpunta ko rito. Nais kong maging mas masaya siya sa kanyang tagumpay,” wika ni Juday.

***

Hinintay naman nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid ang katapusan ng paligsahan dahil ang aktres na mang-aawit ang nagwaging Entertainer of the Year sa Aliw.

Hindi na talaga nagkakahiwalay ang magkasintahan kahit na saan sila pumunta. Kulang na lang ay kasal sa kanila.

“Para kay Regine ang karangalang ito. Para rin sa dalawa kong anak at para sa Velasquez Family sa paniniwala nila sa akin,” sabi ni Ogie habang siya ay nagtatalumpati para sa kanyang karangalan bilang Best Concert (Male) para sa Komikonsierto.”

’Yon nga lang, talagang etsa-puwera na si Michelle van Eimeren sa buhay ni Alcasid dahil kahit na ang palayaw nito ay hindi man lang nabigkas ng komedyante.

***

Kaya lang, kahit magsiyota na sina Ogie at Regine ay nakabuntot pa rin sa kanila si Mang Gerry Velasquez, ang ama ng Asia’s Songbird.

Ano kaya ang ikinakatakot ni Mang Gerry kung bakit lagi pa rin siya sa piling ng kanyang anak?

O talagang mahal na mahal niya si Regine?

Wala ba siyang tiwala kay Ogie?

***

Ayon sa isang miyembro ng Aliw Awards Foundation, Inc. na ayaw nang magpabanggit ng kanyang pangalan, sa wakas ay nakamit din ni Regine ang pinakamataas na parangal sa kanilang timpalak.

“Noon kasing buhay pa si George Canseco, ayaw talaga niyang manalo si Regine ng Entertainer of the Year. Wala siyang kabilib-bilib kay Regine. Pero ngayon, wala na si George kaya nanalo na si Regine. Gano’n ang lakas ng impluwensiya ni Canseco sa Aliw,” pahayag ng kasapi ng Aliw.

***

Samantala, nanalo ang Philippine Educational Theater Association o PETA ng Best Stage Production sa Non-Musical sa pamamagitan ng Belong Puti na pinagbidahan ni Mario O’Hara.

Nakamit naman ni Felix “Nonon” Padilla ang Best Stage Director para sa Non-Musical Production kaya naman tuwang-tuwa si Cecille Bulaong Garrucho na siyang namamahala at kinatawan ng PETA nang gabing ’yon.

Mabuti naman at hindi inisnab ni Cecille ang kanyang tukayong si Cecille Guidote-Alvarez na siyang nagtatag ng PETA.
May namamagitan kasing agwat o di- pagkakaunawaan sa dalawang grupo—sa kampo ni Garrucho at sa grupo ni Guidote-Alvarez.

***

Dumating noong Lunes sa Pilipinas ang mahusay na singer na si Vivagelli na nagkaroon ng isang record album at lubusan na ang kanyang promosyon sa kanyang plaka.

Nakaduweto niya sa kanyang CD si Victor Wood pero mukhang hindi pa nahihimasmasan si Victor sa kanyang pasya na huwag munang itinda ang kanilang plaka ni Vivagelli.

Ayon sa talent manager ni Vivagelli na si Chat Santos, kahit saan wala pang panggasolina si Wood ay tulungan na niya si Vivagelli na mag-promote ng CD para sa baguhang singer.

“May pangalan na naman siya. Sana ay pagbigyan niya ang tulad ni Vivagelli na newcomer at gusto lang magkapangalan,” sabi ni Chat.

***

Naging kooperatiba naman si Iza Calzado sa pagbebenta ng kanyang pelikulang Mona Singapore Escort ng Bandit Films at Outline Digital Films.

Nagpunta si Iza sa premiere showing ng pelikula sa The Block noong isang linggo at nagpaunlak siya ng isang mini-presscon sa loob ng Cinema 4 ng mall.

“Mahirap po maging escort girl sa Singapore. Pero maraming Filipina ang escort girl do’n. Pero sana ay huwag silang mapahamak. Kawawa naman sila,” pahayag ni Iza.

Nasaksihan din ng aktres ang mga Pinay na nagbebenta ng laman sa Singapore para lang kumita nang malaki at maipadala sa mga naghihikahos nilang pamilya sa Pilipinas.

***

Pinuri naman ng direktor ng Mona Singapore Escort na si Jowee Morel si Chloe Carandang na siyang gumanap na anak ni Iza sa pelikula.

“Napakagaling na child star ni Chloe at isasama ko siya sa mga pelikula ko pag nangailangan ako ng bata sa aking gagawin. May ibang lalim si Chloe. I admire her,” pahayag ni Jowee.

Si Chloe ay anak ni Jessica na dating kasera ni Morel sa Mandaluyong City.